Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpasok nang maaga araw-araw

mahusay talaga ang mga alarm ng cellphone. pwede mo itong i-adjust sa "Daily", para kusa itong mambulahaw kahit nakalimutan mo itong i-set.

tulad ko, kagabi. ganito yata talaga ang buhay guro; kahit gabi ay hindi nauubusan ng trabaho. makakarating ako sa bahay nang gabing-gabi, magtatrabaho hanggang madaling araw, para lamang ulitin muli ang siklo sa pagpasok muli nang napakaaga. kakatwa mang isipin, nagsisimula at nagtatapos ang araw ko nang wala pang araw.

kakatwa rin na isipin na para bang isang paulit-ulit at walang kabuluhang siklo ang buhay, sa pangkalahatan. kapag pinag-isipan, ano ba ang dahilan kung bakit nagtatrabaho sa araw-araw ang lahat ng tao? para dumating sa punto na hindi mo na kailangang magtrabaho. isang malaking kabalintunaan!

sa tuwing napapagod ako sa pagkabitag sa infinite loop na ito ng buhay, lumiliwanag mula sa likuran ang mas malaking layunin ng trabaho ko. mapalad akong maituturing, dahil higit sa basta pagkita ng pera, ang trabaho kong ito ay nagsasangkot ng paghubog sa kamalayan ng susunod na henerasyon. sinasabi nilang ang mga guro daw ang tumatayong ikalawang magulang ng mga estudyante kapag nasa eskuwelahan na sila; isang malaking kagalakan at hamon na maituring na gayon, ang mapagkatiwalaan, gaano man kaiksing panahon, na gumabay sa mga susunod na inhinyero, arkitekto, guro at siyentista. lalo pa't nga't hindi basta-basta ang mga estudyante ko; ang mga ito ang pinakamahuhusay sa buong Pilipinas. kumbaga sa apoy, napagkatiwalaan akong hipan ang pinakamaiinit na baga upang magsindi ng siga na magbibigay tanglaw sa kinabukasan.

kaya kahit nasanay ang katawan sa pahinga ng maikling bakasyon, kahit pa unti-unti nang lumalamig ang hangin na nagpapabigat sa katawan at mata, kahit pa lumalakas ang animo'y magnetismo ng kama, tuwing alas-singko ng umaga ay babangon ako, taglay sa isip ang mabigat kong responsibilidad.

taglay sa isip ang dakila kong pribilehiyo.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...