Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa maliwanag na mga hapon

ngayong bakasyon, habang nakaupo at
walang ginagawatinatamad magtrabaho, bumabalik ang isipan ko sa mga pangyayari noong bata pa ako, kung saan walang nakakabagot na hapon at walang panahon para mag-isip kung ano ang kailangan o pwedeng gawin. nakakalungkot, wala na ang gayong mga hapon, at hindi ko alam kung ang mga anak ko at apo ay magkakaroon pa ng gayon. kaya heto, habang nakaupo at
walang ginagawatinatamad magtrabaho, balikan natin ang aking (ka)hapon.

*****

lumaki akoginugol ko ang aking kabataan sa maburol na antipolo, sa malawak at matatarik na mga dalisdis na tumatanaw sa batis sa ibaba. lumakad ako sa mga daang malilim, hindi dahil sa bubong o waiting shed, kundi dahil nasa ilalim ng malalabay na dahon ng mga punungkahoy. mga punungkahoy na naghilera - santol, sampalok, ratiles, mangga - na hindi pinili ng tao kundi itinanim ng kamay ng Diyos.

maraming dahilan noon kung bakit ko pinipili ang hapon (ito o), pero ngayon, tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataon na balikan ang nakaraan, sumasagi sa isip ko ang maliligayang pangyayari ng aking kabataan na umaakay sa hapon hanggang takipsilim.

ang hapon ay nagsisimula sa tanghalian, kapag ang buong pamilya ay nakahilig sa mesa at kumakain ng nilagang baka o nilagang talbos o pinakbet o tinola. kasabay ng matutunog na halakhakan - madalas kami noong may bisita - ang mga awitin sa radyo o mga pakulo sa Eat Bulaga tulad ng Little Miss Philippines o Bulagaan. pagkatapos ng programa ni Tito at Vic ay kasunod naman si Val sa seryeng Agila.

pero hindi na namin inaabot iyon. hayun, matapos magsepilyo at maghilamos, inaakay na kami ni Ate at Diche sa kuwarto para matulog. sila mismo ay pinatutulog din ni mama. ang siesta ang unang "gabi", at mapapalo ang hindi natutulog. sa hugong ng bentilador at paghimas ni ate sa likod, dumadaan ang di-kakaunting sandali sa paghihintay sa antok.

pero ang bata ay bata. malakas, malikot. ang antok ay hindi na dumarating sa isang batang nag-aabang sa iba pang batang gayon din ang kalagayan. para bang nauugnay ang kanilang mga isipan bagamat magkakalayo, sa magkakasamang pagpigil sa antok.

paano't sayang ang hapon! habang lumalamlam ang araw, ang maliwanag na hapon ay panahon ng habulan, langit-lupa, mataya-taya, patintero, agawang base, o simpleng pag-akyat sa puno at pamimitas ng ratiles o pagbaba sa gulod patungo sa batis. bagamat hindi kami nag-usap, ako at ang aking mga kalaro ay pawang sabay-sabay na bumibilang: 1, 2, 3...; hanggang sa kung ilan, hindi ko na matiyak. basta't natatantiya na namin ang kalahating oras. ipipikit nang matindi ang mata para mamaga nang kaunti. pagkatapos ay hahakbangan ang katabing si Ate o si Diche (na siyang mga nakatulog) dahan-dahang lalabas, at magkikita-kita. simula na ng ligaya!

nariyang magbisikleta ni Buddy sa kalapit na lugar, o makipagbasketbol kay Jerome, o mag-"kampo" sa aming bahay-bahayan (isang tunay na bahay na ginawa para sa amin ni papa) habang "nagluluto" si Yeye. mahilig din kami sa mga trak-trakan, mga laruang trak na pinanghahakot namin ng bato, lupa at buhangin habang gumagawa kami ng maliit na balon at dike malapit sa itinanim naming mga rosal. siyempre pa, hindi mawawala ang habulan o barilan, na hindi sinasanto ang taas ng puno para maka-taya.

ang takbuhan ay mapuputol sandali ("taym pers!") sa pagdaan ni Manang Maglalako. merienda na! piniritong saging, maruya, turon, kapag sinamahan ng Coke, ay pumapawi sa pagod at nagpapanibagong lakas sa pagod na mga paa at kamay. kung minsan, ang pahinga at merienda ay kasabay ng panonood ng mga palabas na pambata - Zenki, BT X, Three Musketeers, na pinagsunud-sunod sa hapong para sa mga kabataan.

na isa-isa ring magpupulasan pagkalipas nito. anupat para ituloy ang paglalaro! hindi iniinda ang maraming lamok, ang pagsapit ng takipsilim ay bagay sa taguan, kung saan ayaw mong mataya dahil aabutin ka ng gabi sa paghanap sa lahat ng kasali dahil sa lawak ng lugar na pwedeng pagtaguan.

mayamaya pa, malalakas na tawag ang maririnig. si nanay ay sisitsit. si auntie ay sisigaw. at si mama ay tatawag. handa na ang hapunan. bukas ulit.

Mga Komento

  1. Zenki!!! ngayon pangmatatanda na ang palabas sa hapon, mga drama at telenobela. tsk i miss childhood too :)

    TumugonBurahin
  2. BTW, ang gnda ng efek ng upuan ni papa d2 :)

    TumugonBurahin
  3. Hehe. Naaalala ko kasunod nun BT X. Hehe.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...