Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa panahon ng pasko at bagong taon

tama si sir chris. hindi naman kailangan ng espesyal na okasyon para samyuin ang mabangong bulaklak o ipagbunyi ang pagsikat ng bawat araw sa umaga.

pero para sa maraming tao, kailangan ang isang takdang panahon para huminto mula sa karaniwang mga gawain at ipagpasalamat ang mga pagpapalang dumating sa buong taon. kaya marahil nasa dulo ng taon ang pasko, at agad na sumusunod ang bagong taon. hanggang ngayon ay tuwang-tuwa pa rin ako sa katotohanang eksaktong isang linggo ang pagitan ng dalawang selebrasyong ito, anupat sa parehong araw sila pumapatak. higit pa sa pagpapasalamat, mas mahalaga ang pag-asam kung kaya naging isang mahalagang bahagi ito ng tradisyong Pilipino. ang pagdaraos ng isang pagdiriwang sa dulo ng taon ay magbibigay ng pag-asa sa marami, na, sa kabila ng mahihirap na panahon at kalagayan, darating ang isang masayang okasyon, bubuti rin ang mga kalagayan, babait din ang mga tao at magiging mapagbigay.

pero kung tutuusin, dapat naman na araw-araw ay punuin natin ang ating isip at puso ng pag-asa. hindi na kailangang dumaan ang mga linggo at buwan bago natin punuin ng pagmamahal ang ating mga puso at ipagdiwang ang isang maligayang araw. madalas nating naririnig: sana araw-araw ay pasko. mas magiging makabuluhan ang bawat araw kung gagawin nating totoo ito.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...