Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa badminton nang gabing-gabi

ang (dati nang) pagiging masakitin at ang (bago pa lang na) pagtaas ng timbang ang siyang nakakumbinsi sa akin na kailangan na talaga ng aking katawan ng ehersisyo at/o iba pang pisikal na aktibidad.

hindi ako mahilig sa aksiyon. mas mamabutihin ko pang maghapong humarap sa computer o matulog kung wala namang ginagawa. kaya hindi ako nahilig sa isports o iba pang pisikal na libangan. kung may pinakamalapit sa pisikal na aktibidad na nagugustuhan ko, ito marahil ay paglalakad-lakad, o pagbibisikleta.

kaya naman atubili akong sumama sa paglalaro ng badminton na isinaayos ni Faith, kaibigan ni Steph (na ipinakilala sa kanya ni Phoebe). ikinatuwiran ko sa sarili ko na dapat ding makisama ni Steph sa ibang mga kaibigan, pero sa totoo'y tamad (o takot?) lamang ako na pagpawisan. marunong naman ako kahit papaano, pero hindi naman ako magaling. bukod pa rito, marami naman siguro sila, at hindi naman malaking bagay ang hindi ko pagpunta.

bandang huli, pumayag na rin ako nang malamang kaming tatlo na lamang ang kalahok.

ang alas-otso ay naging alas-nuwebe, at ang hanggang alas-diyes ay umabot hanggang alas-onse y medya.

ang puting t-shirt ko ay basang-basa sa pawis, at nagmarka na yata ang mga daliri ko sa hawakan ng raketa. magaling ang mga kalaban ko! gaya ng inaasahan, ako ang laging natatalo, at ang laging nagpupulot ng shuttlecock.

kinabukasan...

ang alas-otso (na gising) ay
naging alas-nuwebe, at ang hanggang alas-diyes aynapalitan ng tuluy-tuloy na tulog na umabot hanggang alas-onse y medya.

ang puting kumot ay nakabalot pa rin sa akin, at nagmarka na yata ang katawan ko sa kama. magaling ako sa panaginip! pero paggising, ang sakit pa rin ng braso at balakang dahil sa pagtakbo at pagpupulot ng shuttlecock.

pisikal na aktibidad? hmm...saka na lang ulit. :)

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...