Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga larawan na pumupuno ngayon sa aking desktop: mga larawan ng masasayang lumipas, mga ikinuwadrong pagkakataon at kahapon, mga mukha ng n

dahan-dahang sumikat ang pebo sa silangan.

ang mainit na simoy ng hanging abril ang nagpadilat sa aking mga mata. tirik na ang araw. nagsasabog ito ng gintong liwanag na pumupuno ngayon sa maliit na sala.

alas-otso na pala. ilang oras din akong nakatulog sa sofa. sa pagbalikwas ko ay saka naman dumapo ang isang maya sa nakabukas na bintana, itinagilid ang kanyang ulo sa isang anyong nagtataka. hindi ko siya masisisi. maging sino man marahil ay maguguluhan sa aking anyo - pagod, puyat, at para bang napakaraming ginagawa sa panahong lahat na yata ng estudyante’y nagpapahingalay.

lalo pa kung iisipin na ako’y nakatakdang magtapos sa susunod na ilang mga araw.

nakakapagtaka. nakakatawa pa nga kung iisipin. subalit sa kabila nito’y heto pa rin ako, pinipindot ang buton upang buksan ang computer, muling gagawa, muling magtatrabaho.

pero para mapaiba naman, ipinasiya ko munang magmasid sa mga larawan na pumupuno ngayon sa aking desktop. mga larawan ng masasayang lumipas. mga ikinuwadrong pagkakataon at kahapon. mga mukha ng nagdaang nalimot.

at naroon ka. ang iyong mukha (na sabi ni george ay "hindi kagandahan" at sabi ng isa ko pang kaibigan ay "simple") na matagal ko ring di namalas. ang iyong pormang kakaiba. ang ngiti mong sa loob ng ilang panahon ay nagpapaningning sa aking bawat umaga, nauuna sa tawa mong lumulunod sa aking kaluluwa. haay. isang di kalayuang kahapon.

hindi mo siguro alam ang naging epekto mo sa aking buhay. hindi, hindi mo alam. hindi mo alam na sa ating pagwawalay ay nabawasan ang hininga ko. hindi mo mawawari na di miminsan kong pinangarap na ibahagi sa iyo ang aking mundo; isang mundong kapag wala ka’y napupuno ng pasakit. hindi. hindi mo maaaring mapuna.

paano’y ako mismo ay kailan lang nakapansin sa mga bagay na ito. kakatwa. gayong ilang panahon na tayong nagkakawalay.

hinanap ko sa friendster ang iyong mukha. inalam ko kung ano na ang nagaganap sa iyo sa kasalukuyan. tinangka kong hagilapin kung may bahagi pa ba ako sa mga pagbabago sa iyo.
binalikan ko ang mga sulat mong elektroniko. mga proyekto, mga litrato, mga kung anu-ano. binilang ko ang naging pagbanggit mo sa pangalan ko. inihahabi ko sa isip ko habang kunwari’y binibigkas mo ito. matamis. at mapait.

maaari man lamang ba kitang masilayan?

sa kalye at tindahan ay nag-aabang. maging sa sunken at sa paradahan. baka naroon ka. baka makita pa.

subalit ako’y bigo.

sa ngayo’y nagmamartsa na ako patungo sa pagtatapos. magmamartsa na ako sa bulwagang quezon sa susunod na linggo. magpapatuloy ang martsa ng buhay mo at buhay ko.

subalit tinitiyak kong saan man ako dalhin ng panahon at pagkakataon, magbibigay-daan ako sa paghinto at pagbabalik-tanaw. tiyak na ika’y di mababaon sa limot.

at habang sinisimulan ko na ang paglinis sa aking desktop, mula sa mga larawan ng masasayang lumipas, mga ikinuwadrong pagkakataon at kahapon, mga mukha ng nagdaang nalimot, tinitiyak kong hindi madamay ang larawan mo.

muling umihip ang tuyong hanging abril.

pinupuno pa rin ng gintong sinag ni pebo ang sala.

pinalalabo ng namuong luha ang imahe ng nilinis kong desktop.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...