Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga dulo, katapusan, huli, at mga katulad nito (para kay george)

nakakapagod mag-stairs.

lalo na kapag limang palapag o higit pa ang aakyatin mo. at kung ang pupuntahan mo pa ay isang pormal na pagtitipon, baka mawala na ang lahat ng bakas ng pagiging-presko sa katawan mo kapag nilakad mo ang ilang daang hakbang ng stairway. sa ganitong mga pagkakataon, kumbinyente ang mag-elevator.

pagharap mo pa lang sa pinto ng elevator, excited ka na. siyempre, hindi dun sa mismong pagsakay sa elevator (unless, first time mo). excited ka na para dun sa kung anuman ang pupuntahan mo sa ikalimang palapag. kung naka-amerikana ka, malamang na inaayos mo na ang iyong kurbata matapos pindutin ang buton na nakaturo paitaas at naghihintay na bumukas ang pinto sa iyong harapan.

pero, siyempre, hindi lang naman ang pupuntahan mo ang nasa ikalimang palapag. meron pang ibang opisina o function hall na naroon. kaya, sa mga sandali na naghihintay ka para makapasok sa elevator, may iba pa na nakaabang din. mga taong tulad mo ay nakapustura. mga taong di mo kilala.

sa wakas ay bubukas ang pinto. papasok na kayo, ikaw at ang iba pang nakaabang sa harap nito.
dahil sa dami ninyong mga sasakay, maraming pwedeng mangyari. halos siksik na siksik na kayo marahil. maaapakan ng iba ang paa mo. maririnig mo ang usapan ng iba mong kasama, mga usapang hindi mo naman maunawaan. may mga aalis sa pana-panahon. may mga taong mula sa ibang palapag na mapadaragdag sa loob ng elevator: mga bagong makikisiksik, makikiapak, makikipag-usap.
pero dahil sandali lang naman ang sakay ay hindi mo mapapansin ang mga ito.

muling bubukas ang pinto at ibubungad sa iyo ang ikalimang palapag.

didiretso ka na sa iyong function room na pupuntahan. ang iba ay kasama mo marahil patungo roon. ang iba naman, pupunta sa iba pang opisina. siyempre, meron din namang maiiwan. at sa iyong pag-alis, tiyak na meron ding papasok at kukunin ang puwestong inokupahan mo.

doon mo mararamdaman kung gaano kabilis ang limang palapag na biyahe. doon mo maiisip ang kaibahan ng mas malawak na pasilyo ng ikalimang palapag ng gusali kumpara sa siksik na elevator. pero, darating pa rin ang panahon na hahangarin mong muling makisiksik dito sa iyong pag-uwi.

dahil sabi naman ni george ay diyan daw ako magaling, ilapat na natin nang diretsahan ang analohiya. ang buhay kolehiyo ang maliit na espasyo ng elevator; ang bilang ng palapag ang taong dapat gugulin para rito. sa totoong buhay, marami rin tayong nakakasabay sa pagdaan sa yugtong ito ng buhay. at kung sa elevator ay literal na maraming nagiging close enough sa atin, ganun din sa college, pero sa emosyonal na paraan. although sa pana-panahon ay napapaaway din tayo: nakakaapak at naaapakan.
siyempre, hindi naman lahat ay kasabay nating dadaan sa yugtong ito. yung iba sa "mas mataas na floor" sisimulan ang kanilang biyahe. pero pwede pa rin silang "makisiksik" sa ating buhay, sa liit ba naman ng kolehiyo.

at pagkatapos, paglipas ng limang taon, maiisip mong napakabilis pala ng panahon. kapag lumabas ka na sa mas malawak na mundo, malalaman mong napaka-confined ng college life mo.

in spite of that, hahanap-hanapin mo pa rin ito. aasamin. papangarapin.

mare-realize mo na hindi ikaw ang isinakay ng "elevator" sa kanyang maliit na kahon, kundi ikaw ang nagsakay sa "elevator" na ito sa loob ng iyong puso.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...