Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa kabataan, basketball 2 on 2 partner, at kay Kuwan

meron akong kaibigan nung bata pa ako. Jerome ang pangalan niya.

dalawang taon din ang tanda ko kay Jerome. apo siya ng kapitbahay namin, ang matandang babaing tinatawag namin na si Nanay Trudis. nakasama ko sila mula sa gulang na pito (grade 1 ako nun) hanggang mga 14 (third year high school). pagkatapos noon ay hindi ko na nakita pang muli si Jerome at ang pamilya niya; may nakapagsabi na sila’y nasa Las Pinas, pero sa pagkakaalam ko talaga ay nasa Gumaca, Quezon Province sila. matagal man kaming hindi nagkita, maraming alaala ng kabataan ang nananauli sa aking isipan kapag naaalala ko si Jerome.

mahilig kami sa basketball (well, sa case ko, noon yun, kasi mas matangkad ako sa kanya at sa mga pinsan ko. ngayon, hindi na.). iginawa pa nga kami ng tatay ko ng isang ring na ipinako sa puno ng guyabano sa likod na bakuran namin. sa mga larong iyon, lagi kaming nagiging magkakampi ni Jerome, dahil sa aming height (na tamang-tama pang 2 on 2). siya ang mas maliit kaya guwardiya siya; ako ang poposte. di mabilang na mga assist na rin ang pinakawalan ni Jerome (yung alley hoop mukhang wala), bukod pa sa mga tira sa labas. rebounds at points in the paint naman ang kinakana ko.
kaya dumating sa point na gusto naming makalaban naman ang isa’t isa. kaya isang hapon, matapos matulog nang tanghali, ipinasiya naming mag 1 on 1 sa aming half court sa likod bahay. as usual, dahil magaling akong gumawa ng paraan upang matakasan ang ate ko (na nagbabantay sa amin sa pagtulog sa tanghali), ako ang naunang dumating. nakapag-warm up pa ako habang hinihintay siya.

nang dumating siya nang bandang huli, sumunod naman ang pinsan kong si Buddy. naisin man naming mag 1 on 1, hindi na namin magawa. nauwi sa onse-onse ang nakaplanong laro. hindi pa tamang panahon para magkasubukan kami ng aking kakampi.

kinabukasan, 2 on 2 na naman. at magkakampi na naman kami ni Jerome.

isang araw, dumayo si Jerome sa whole court sa aming barangay. hindi ako sumama; panata kong hindi ako makikisali sa laro ng mga kabataan doon, na inakala kong may pustahan.

nakalaban niya ang pinakamagagaling sa aming purok. tuwing hapon, habang nagpapahinga ang barkada namin sa aming tree house sa puno ng mangga sa gilid ng bahay namin, ikinukuwento niya ang bilis at dribbling skills ni Kuwan, ang tangkad at lakas ni Ano, at kung sinu-sino pa na hindi ko naman kilala.

dumating sa punto na sinira ko na ang panata ko. dala ang dalawang sampung pisong papel sa bulsa ay tinungo ko ang court ng barangay. kailangan ko nang makilala ang mga ipinagyayabang ni Jerome.
pagpasok ko pa lang ay namangha na ang mga tao. alam nila ang aking panata. pero sa bandang huli, ok naman silang kalaro. wala naman palang pustahan; depende ito sa manlalaro.

doon ko nakilala si Kuwan at si Ano at ang iba pa na noon ay ipinagyayabang lang sa akin ni Jerome. in fairness, magaling talagang maglaro ang mga "batang court" na ito. natutuhan ko sa kanila ang ilang mga technique sa paglalaro, pati na ang mga daya at pambabalya (na mukhang malinis).

naglalaro pa rin kami ni Jerome sa likod bahay kasama ang mga pinsan ko. 2 on 2 pa rin. at magkakampi pa rin kami.

pero hindi na niya talaga mapigilan na humanga kina Kuwan. halos magka-height lang kasi sila pero mas magaling mag-penetrate si Kuwan. may mga panahon na gumagawa siya ng play na kung saan ay makakasaksak siya sa loob, bilang pagtulad kay Kuwan.

dumating ang panahon, iba na ang nais niyang maka 1 on 1. wala na ako sa eksena. si Kuwan na ang nais niyang hamunin.

at nang samahan ko siya nang hapong iyon sa whole court para makipag 1 on 1 (nang may pusta) kay Kuwan, hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil nakahanap siya ng katapat o malulungkot dahil nakahanap na siya ng bagong basketball partner.

gumaling si Jerome. pero nag-unleash ng kadayaan si Kuwan. doon lang namin nalaman na napakadumi palang maglaro ni Kuwan. pero bandang huli, hindi talaga umubra ang mga taktika niya sa kaibigan ko. naging mabuting magkalaban sila nang bandang huli sa maraming mga larong sinalihan nila.

nakakamiss mag-basketball…

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...