Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga di mapakawalan: mga ngiti, mga ideya, at mga nakaraan

ilang mga kakilala ang nasalubong ko kanina. nakakagulat, dahil sabado at inaasahan kong walang tao.

isang labmate, isang dating kaklase sa isang subject, isang ka-org. lahat sila ay kinawayan ko, subalit iisa ang naging reaksiyon nila. silang lahat ay nagtataka sa pagkakunot ng noo ko. ni hindi man lang daw ako ngumiti.

sa dami ng dapat pang asikasuhin sa nalalapit na thesis defense at, ultimately, sa graduation, hindi ko na mapigilang mag multi-tasking. lahat ng bagay ay naka-queue na sa utak ko for processing, at sa dami ay para bang wala nang rest period na nagaganap. kahit pa naglalakad ako, kumakain, kahit nga yata pati sa pagtulog at pananaginip ay nagpoproseso ako ng impormasyon, nagpaplano ng susunod na hakbang. kaya sa sobrang ka-busy-han ay lagi na akong mukhang seryoso, nakasimangot, kung minsan pa nga ay parang papatay ng tao.

pero sa totoo, may tuwa na natatago sa kaloob-looban ng pagkatao ko. tuwang nagmumula sa katotohanan na makakapagpahinga na ako matapos ang limang taon ng pagsusumikap (well…ang tanong ay hindi lang kung makakapagpahinga ako kundi kung nagsumikap ba talaga ako… anyway…). tuwang nakukuha ng isang tao sa pagkakamit ng mga bagay na pinakamimithi niya (wala bang mas maikling translation para sa ’satisfaction’?). tuwang higit pa sa naibibigay ng tawa at halakhak.

kaso nga lang, hindi ko kayang i-radiate ang tuwang ito. hindi ko kayang magpahulagpos ng kahit isang piraso nito para naman maibahagi ito sa iba. ni ngiti ay hindi ko mapakawalan. siguro ganun iyon. siguro darating din ang panahon na aapaw ang tuwang ito tungo sa puntong hindi ko na ito maitatago at mapipigilan.

malay natin, sa graduation, di ba?

*****

kinausap ako ng isang miyembro ng panel ko para sa thesis. ilang araw pa ang nakakaraan ay kinausap na rin ako ng isa pa sa kanila. at nagtataka ako. kasi sa panahong kaharap ko sila, hindi ko masagot ang tanong nila. pero sa unang saglit matapos ang aming diskusyon, naiisip ko ang tamang sagot at saka ko nare-realize na kayang-kaya ko palang sagutin ang tanong nila. weird. asar.

pero ganun nga talaga siguro iyon. may tamang panahon para pakawalan ang mga ideya.

malay natin, sa mismong araw ng defense ang tamang panahon na iyon, di ba?

*****

habang nagpapahinga sa Instru ay nakita ko ang larawan mo. amazingly, naiwan pa pala ito sa wallet ko. umusbong ang sari-saring emosyon. ng lungkot. panghihinyang. pati na rin galit. at paninisi.
pero, amazingly (part 2), pumapasok pa rin ang iba’t-ibang ‘what ifs’ sa isip ko. naiimagine ko pa rin ang iba’t-ibang scenario patungkol sa ating dalawa. hindi pa rin nagsi-sink in ang mga nangyari. nang inakala kong pinalayas na kita sa pagkatao ko, i was wrong. binuksan ko lang pala ang pinto at hinintay kang lumabas nang kusa. na, hanggang ngayon pala, hindi mo pa ginagawa.

kailan nga ba kita pakakawalan?

haay…

malay natin, malapit na, di ba?

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...