Lumaktaw sa pangunahing content

handog ng pilipino sa mundo

nanood ako ng documentary ng abs-cbn tungkol sa edsa ng 1986 (binanggit ko yung year; ayoko nang magpangalan in terms of number kasi maraming kumukuwestiyon sa edsa "dos" at "tres" na para bang nagkaroon na ng kahulugan ang pangalang edsa maliban sa epifanio de los santos avenue. anyway…). gusto ko lang linawin ang ilang bagay:

hindi ako ganoon ka-interesado sa mga pangyayari noon sa sikat na lansangan. inaakala kong sapat na ang nalalaman ko tungkol dito.

at hindi ako nag-uubos lang ng oras at walang magawa at walang ibang mapanood. sa totoo lang, gising pa ako nang mga oras na iyon dahil ginagawa ko ang aking thesis.

nakakatawa pero ang dahilan kung bakit ko iyon pinanood sa kabila ng lahat ay ang host: ang crush kong si bianca gonzales (na crush din ni zanjoe; sang-ayon ako sa sinabi ni zanjoe: ’sino ba namang lalaki ang hindi magkaka-crush kay bianca?’ =P)

pero, marami akong natutuhan. sulit naman pala ang panonood.

ang istorya ng 1986 ay hindi isang technical paper o letter na continuous at concise. ito pala ay parang thesis (halata bang thesis mode ako ngayon?) na maraming chapter. actually baka hindi lang thesis eh, baka nga dissertation pa. mahaba. matagal. exciting. hindi katulad ng iniisip ng iba, hindi pa tapos ang labanan nang magtatalon si fvr; nasa kalagitnaan pa lang pala ito noon. ang larawan ng dalawang madre sa harap ng tangke ay naghaharap ng maraming rebelasyon: kabilang sa nasa background si butz aquino, isang lider ng oposisyon noon, at si ed lingao (na naka-shades pa), ngayo’y head na ng news and public affairs ng channel 5 (oh, btw, wala sa dokyu ng abs-cbn ang tungkol kay ed lingao).

gusto kong ipapanood sa buong pilipinas kung maaari ang ispesyal na presentasyong ito. bukod sa biased ako sa channel 2 (kapamilya! =P), hindi na kasi matapus-tapos ang parallelism sa pagitan ng rehimeng marcos at sa kasalukuyang pangulo. na kesyo naririto na naman umano ang mga kuko ng diktadurya. na ang 1017, bukod sa malapit ang bilang, ay nagmistulang isang modified version ng 1081 kapag pinagbasehan ang content at terminology. na nanganganib masikil muli ang karapatan ng mga pilipino at ang kalayaang matagal bago nakamit.

kung wala akong masyadong alam sa edsa ng 1986, madali siguro akong madadala ng gayong mga kaisipan.

pero nang mapanood ko ang dokumentaryo, marami akong nalaman. kaya nais kong idagdag ang ilan pang pagkakatulad.

una, nakakatawang malaman na sa eksaktong araw (at oras din yata) nang i-announce ni marcos ang tungkol sa tensiyon sa kampo aguinaldo at crame sa channel 4 (dating abs-cbn) ay ibinalita naman ni gloria ang tungkol sa napag-alamang conspiracy twenty years after noong feb.24, 2006, na siyang sanhi ng deklarasyon ng 1017. take note: nakakatawa.

ikalawa, hiningi rin ng militar ang suporta ng mamamayan sa pagtiwalag sa commander in chief. noong 1986 ay ipinadaan lamang ito kina cardinal sin at butz aquino, pero ngayon ay direktang nanawagan si querubin sa pamamagitan ng media.

actually, marami pang pagkakatulad ang mapapansin. sa isang bansang sinapitan ng matinding sindak sa mapaniil na diktadurya sa loob ng ilang dekada, hindi maiiwasan ang pag-aalinlangan sa tuwing ibinabalik ng simoy ng hangin ang nakatatakot na alaala.

pero, sa dako naman ng nasa kapangyarihan, ang 1986 ay nagsilbing learning experience. hindi naman bobo ang malakanyang. hindi na nito hahayaang maulit ang mga pagkakamali ng nakaraang panahon. kitang kita sa mga nangyari noong nakaraang linggo ang isang malaking pagkakaiba.

kapansin-pansin na hindi pinayagan ng mga pulis na mag-abot ang mga grupo ng mga raliyista sa bantayog ni ninoy noong biyernes. at mauunawaan kung bakit. sabi nga ng dokumentaryo: ang isang malaking pagkakamali ni marcos noon ay ang hindi pagkilos agad na umabot sa pagkapal ng tao sa edsa. kaya siyempre, hindi na hahayaang maulit ni gloria ang pagkakamaling ito. sa standoff nung linggo, gayon din ang patakarang ipinatupad.
kasaysayan na lang ang makakapagsabi kung saan dadalhin ng mga pangyayaring ito ang pilipinas.

isa lang ang alam ko sa ngayon: sa miyerkules na ang thesis draft submission. dapat thesis mode muna. thesis muna bago ang iba pa.

sabihin man nilang selfish ako bilang mag-aaral ng up na sinusustentuhan ng mga mamamayan, at dost scholar pa man din na libre sa lahat.

pinaaral ako ng pilipinas para mag-aral, matapos at maglingkod. 104take note (order is important): mag-aral, matapos at maglingkod.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...