Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa malalamig na gabi ng tag-init, at ang sing-lamig na lab life

It’s been cold summer nights since we drifted apart
Cold summer nights since you’ve walked out that door…
"Cold Summer Nights," FrancisM, circa 1990

Pagkalamig-lamig ng aircon sa Instru, ang lab na kinauugnayan ko. Kailangan kasi ang gayon para sa mga computer, lalo na sa cluster na nasa ibaba ng staff area.

Kaya naman matapos ang mainit na mock defense ng adviser ko sa kanyang dissertation (kung saan literal akong pinagpawisan) ay Instru kaagad ang tinungo ko. Para bumalik sa trabaho. Para magpalamig. Ng katawang ligo sa pawis at ng ulong windang sa tensyon.

Maya-maya pa’y naramdaman ko ang lamig sa lab. Ipinasiya ko nang umuwi kahit di ko pa tapos gawin ang revisions ng thesis ko. Paglabas ko sa lab ay siguradong mainit na ulit, iniisip ko. Simula na kasi ng summer.

Sumabay sa paglabas ko ang nagugutom na si Tons. Maghahanap siya ng kainan sa dis-oras ng gabi. 

Binaybay namin ang tahimik na mga hallway na umaakay sa mga pinto ng Llamas Science Hall, nag-uusap tungkol sa aming mga research. Bandang huli’y binabagtas na namin ang noo’y walang dumaraang oval. Sinlayo ng distansiyang nilalakad namin ang mga paksang tinatalakay namin. Mula sa research ay tumungo kami sa acads bago napadpad sa pangangasiwa sa org at sa buhay sa pangkalahatan. Tapos ay balik sa research, acads, …

Ang paggawa ng pananaliksik sa agham ay isang hamon sa ganang sarili; ang paggawa ng gayon sa gitna ng isang di-mapagpahalagang lipunan ay parusa. Sa tingin kasi ng karamihan sa mga Pilipino (sa pangunguna ng Pangulo herself), ang research ay BASURA. Wala silang pakialam dito.
Pero nang makausap ko si Tons, nakita ko ang katotohanan: MAY PERA SA BASURA! (nyehehehe…)

Pero, seriously, hindi naman basta pera lang ang nasa propesyong ito. Pagtanda ng isang tao at nag-evaluate siya ng buhay niya, ang batayan niya para sabihing masaya siya sa buhay niya ay kung nagawa niya ang mga bagay na gusto niya. Gusto kong mag-research. Magiging kulang ang buhay ko kung sakaling hindi ko ito nagawa.

Umihip ang isang napakalakas at napakalamig na hangin habang palabas kami patungo sa Balara.

Nagkaroon ako ng higit na dahilan upang kainggitan ang napakagandang Astrosoc jacket ni Tons.
Napaisip ako. Buti pa sa lab life, artipisyal ang lamig… sa isang pihit ng switch ng aircon, maaari na itong mawala. Di tulad ng love life… tulad ng malamig na hanging ito sa kalagitnaan ng summer, di mo ito kontrolado.

Ipinasiya kong samahan muna si Tons sa pagkain sa isang maliit na carinderia. Mas interesado na ako ngayong makipag-usap tungkol sa mga research prospects…

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...