tungkol sa pagbaha ng mga ilog
Minsan ko nang inihambing ang marahang pagdaloy ng mga ilog sa mabagal na pag-usad ng buhay. Pero paano naman kapag, sa pana-panahon, lumaki ang tubig nito at pasimulang apawan ang mga pampang?
Sa nakaraang mga araw, maraming mga bayan at lunsod sa Gitnang Europa ang nalubog sa baha dahil sa walang-tigil na mga ulan nitong nagdaan. Umapaw ang mga ilog Danube, Elbe, Rhine, at iba pang maliliit na daluyan. Napanood ko pa sa telebisyon na ang Prague ay nasa state of calamity na. Dito sa Dresden (na kung saan tutuloy ang mga tubig na nagmula sa Prague, sa pamamagitan ng Elbe), naglagay na ng mga sandbags sa tabi ng ilog, pero patuloy pa rin sa paghahanda ang lahat para sa posibleng mabilis na pagtaas pa ng tubig.
Ang totoo, maaga sa kasaysayan, ang pagbahang dulot ng mga ilog ay isang bagay na inaasam. Kinuwenta pa man din ng mga sinaunang Ehipsiyo ang taunang petsa ng pagbaha ng Ilog Nilo. Ang tubig at mga mineral na dadalhin nito sa nakapaligid na mga lupain ang batayan ng mga kapanahunang agrikultural; matapos ang pagbaha, ang mga pampang ng ilog ay handa na muli para sa pagsasaka.
Hindi nga kataka-taka na ang mga sinaunang kabihasnan ay nabuo sa tabi ng mga ilog. Bukod sa nabanggit nang sinaunang Ehipto, nariyan din ang Mesopotamia, na nasa gitna ng Tigris at Euphrates. Ang Lambak ng Indus ay isa ring kilalang malaking sinaunang sibilisasyon na nasa tabi ng isang ilog. Totoo rin ito maging sa Pilipinas, anupat sinasabing ang pinagmulan ng mga salitang "Tagalog" ay "taga-ilog" (hindi ko nga lang alam kung ito ba ay pinagkakasunduan ng mga istoryador). Nabanggit ko na rin noon sa isang post na ang mga pangunahing lunsod sa Europa ay nasa tabi ng mga ilog. Walang pagsala, ang nagbibigay-buhay na tubig na umaagos mula sa dakilang mga daluyang ito ay naging mahalaga sa simpleng istilo ng pamumuhay ng sinaunang mga komunidad.
Pero nasa ikadalawampu't isang siglo na tayo, at ang paraan ng buhay sa ngayon ay malayo na sa "simple" at "sinauna". Ang pag-apaw ng mga ilog ay nangangahulugan ng posibleng pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala pa man din ng buhay.
Siguro ay gumaganti lang ang mga ilog. Mga ilang dekada na rin nilang tiniis ang pag-abuso ng mga tao, lalo na pasimula noong Rebolusyong Industriyal. At bagamat nakabalik naman sa mabuting kalusugan ang marami sa mga ilog (halimbawa na lang, ang Thames sa London), marami pa rin, lalo na sa mga papaunlad na mga bansa, ang apektado ng mga gawain ng tao (kamakailan, halimbawa, may mga ulat sa Tsina tungkol sa mga patay na hayop na lumutang sa mga ilog) (o kaya naman, para hindi na tayo lumayo, ang atin mismong Pasig).
Anu't ano pa man, nagbago man ang kanilang papel mula sa pagiging kaloob tungo sa pagiging banta, makabubuting alalahanin na ang mga ilog ay bahagi ng Kalikasan. Maaari itong gamitin, abusuhin pa nga, pero hindi ito makokontrol. ●

Ang Elbe sa normal na antas ng tubig nito. |
Ngayon, ang mga damuhan sa gilid ay lubog na sa tubig. |

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento