tungkol sa sasabihin ko sa magiging anak ko

(Paunawa: Wala pa kaming anak. Pero matagal na kaming nagplano, at talagang gusto naming magkaanak. Ito siguro ang sasabihin ko sa anak ko kapag kaya na niya akong intindihin.)

Pasensya ka na anak.

Itong desisyon na iluwal ka sa mundo, alam kong wala kang bahagi dito. Kami lang talaga ng nanay mo ang nagpasiya nito. Buweno, kung meron ka mang dapat ipagpasalamat, iyon ay na talagang pinlano namin ang pagdating mo, hindi kagaya ng maraming mga bata -- mga tao -- na dumating sa mundo na bunga ng pagkakataon, o masama pa nga, ng maling mga desisyon (gaya ko mismo; itanong mo na lang sa lolo't lola mo).

Siguro maitatanong mo, "Bakit?" Hindi nga ba't ang buhay ang pinakadakilang kaloob na ibinigay namin sa iyo? Ang totoo, nasasabi mo pa siguro iyan dahil bata ka pa. Dumaan din ako sa parteng iyan ng buhay. Ang sabi nga ng awiting katha ng paborito kong banda: "Nung ikaw ay bata pa/ Ang lahat ay masaya/ Umiikot ang mundo/ at hindi humihinto/ ang lahat ng makita mo ay bago..."

Pero ako, sa kalagayan ko ngayon, nakuwenta ko na ang suma total ng buhay (at magtiwala ka sa kuwenta ko; aba, siyentipiko yata ang tatay mo!). Ang suma ng bawat taon, buwan, araw, oras, minuto, at segundo ay: Mas maraming pagod kaysa pahinga. Mas maraming pagtitiis kaysa pagliliwaliw. Mas maraming pagkabalisa kaysa pag-asa. Mas maraming pagdurusa kaysa sa ligaya. Kung lalagyan ng sign ang halaga ng bawat sandali, bandang huli ay matutuos mo na ang buhay ay mas negative kaysa positive (o, kung ipinanganak ka siguro sa labis na karangyaan at kasikatan (na siyempre pa, hindi), baka zero; tabla-tabla lang).

Kaya, hayun. Pasensya na talaga.

Baka naman maisip mo: "Hindi kaya ikaw lang ang nega, Dad?" Siguro nga. Nabasa mo na siguro ang mga naunang post ko sa blog na ito kaya mo nasabi iyan. Haaay, mga kadramahan. Espesyal na kaso nga lang siguro ako. Kasi sa malaking bahagi ng hindi-pa-kahabaang buhay ko (hindi pa ako masyadong matanda, tandaan mo, nang isilang ka), naranasan ko na kung paano malubog sa pinakamalalim na hukay ng pighati at kabiguan. Oo naman, may mga mas malala pa rin ang kalagayan sa akin, pero masasabi ko ring hindi siguro lahat ng tao ay nakaranas ng mga problemang dinanas ko sa lahat ng aspekto sa maagang edad sa matagal-tagal ding panahon nang sunud-sunod kung hindi man sabay-sabay.

Ang totoo, hindi ko naman talaga ipagpapalit ang lahat ng iyon. Kung, sa isang makahimalang paraan, maibabalik ako sa panahon ng aking pagsilang pero sasabihan akong babaguhin ang lahat para hindi ko na maranasan ang naging buhay ko ngayon, hindi ring siguro ako pipirma sa kontrata; out ako diyan. Ang pasikut-sikot ng buhay ko ang nagdala sa akin sa Mommy mo, at kahit ang pinakamaliit na paglihis ay baka maglayo sa akin sa pinakarurok ng kaligayahan ko. Aba, isipin mo na lang: Hindi kita susulatan ngayon kung may nabagong kahit kaunti sa mga naunang pangyayari, hindi ba?

Kung gayon, bakit humihingi ako ng tawad sa iyo ngayon? E parte naman pala ng buhay ang mga binanggit kong pasakit at pighati?

Tatlong dahilan. Una, gusto ko nang ipaalam sa iyo na magiging ganito ang buhay. Ano ba ang mas gusto mo: Gusto mo bang deretsahan, yun bang tipong tatakutin kita, sasabihin sa iyo ang lahat ng mga problemang darating sa iyo? Walang point, di ba? Hindi mo pa nga siguro maiintindihan ang mga iyon. O kung maintindihan mo man, iyon nga, matatakot ka na, sisisihin mo na nga kami ng nanay mo kung bakit ka pa namin ipinanganak. So dun din ang tuloy. Humingi na ako ng pasensya, kasi gusto kong ihanda ka na. Sa diwa, ito'y ibang paraan ng pagsasabing: "Anak, darating ang mahihirap na panahon. Wag kang matakot dahil dumadating iyon sa lahat. Pinapaunahan ko lang para maging handa ka na."

Ikalawa, ang pagkatuto mula sa mapapait na karanasan ay dumarating sa bandang huli, sa paglipas ng mahabang panahon pagkatapos na maranasan ito. Kapag nandoon ka pa sa kalagitnaan ng mga bagyo sa buhay mo, ang unang reaksiyon mo siyempre ay kalungkutan, pait, o baka pa nga galit. Alam mo bang sa Bibliya, kahit ang matuwid na taong si Job ay sobrang nasiphayo sa kaniyang kalagayan, anupat hiniling na niyang "sumpain ang araw ng kaniyang kapanganakan." Ang paghingi ko ng kapatawaran ay, sa katunayan, may kasunod na mensahe: na matatapos  din ang mga bagay na ito, at na may mapupulot ka sa mga ito. Gusto ko, kapag nasa gitna ka ng isang malubhang suliranin, maisip mong sinasabi ko sa iyo: "Anak, pasensya na, hindi mo naman ginustong mabuhay para datnan ang pasakit na ito; pero dumarating talaga iyan, at nalalampasan iyan. Pagdating ng panahon, mamamangha ka dahil bukod sa tinuruan ka nito ng isang aral, dinala ka nito sa isang bagay na hindi mo inaasahan."

Ikatlo. Kung alam mo lang talaga, anak, hanggat maaari ay ayoko talagang dumating sa iyo ang mga bagay na ito. Kung pupuwede nga lang sana, yung unang iyak mong iyon noong iniluwal ka sa mundo (noong halos himatayin ako sa nerbiyos), yun na rin sana ang huling iyak mo. Kaso, tulad nga ng sinabi ko sa iyo, nakuwenta ko na ang buhay. Laging may negatibong mga bagay; mas marami ang negatibong mga bagay. Sana, kapag dumating ka na sa ganung mga yugto, maalala mong ginawa namin ng Mommy mo ang lahat para iiwas ka sa ganito; pero ang dinaranas mo ay di maiiwasan, kaya kailangan harapin. At kaya mo itong harapin.

Baka naman maisip mo: Hindi kaya parte ako ng pasakit na tinutukoy ni Daddy? Naku, huwag mo sanang isipin iyan! Ikaw ang positive na pambawi sa marami-raming negative na pinagdaanan ko noon.

Sa pagtatapos, gusto kong humingi ulit ng tawad.

This time, dahil sa sobrang kadramahan. Sa sobrang ka-senti-han. Pasensya ka na, anak; wala e, ganito talaga ang tatay mo. Akalain mong ipabasa sa mundo ang love letter niya sa iyo. ●

Mga Komento

  1. Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko ngayon.. Gusto ko ng bumalik dyan.. Biglang may konting kaba sa akin paano kung totoo.. Kinakabahan ako.. At nlungkot din sa blog na ito.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post