Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa panahon

Ang panahon, o weather, ay isang bagay na hindi madaling mahulaan. Totoo, ang makabagong teknolohiya ay nagdulot ng pagsulong sa computing power kaya mas mabilis nang nakagagawa at nakapagpoproseso ng mga modelo at mga forecast. Pero sa pangkalahatan, ang mga bagay na ito ay nakabatay pa rin sa ilang antas ng probability, at kinakailangan ng real-time at paulit-ulit na pagrepaso sa mga ito upang magkaroon ng mas mahusay na ulat para sa publiko.

Alam ko. Kaugnay ng aking larangan ng pagsasaliksik, complex systems, ang mas naunang chaos theory, na kung saan ang panahon ang pangunahing halimbawa (sa katunayan, ang ideya ng chaos ay "natuklasan" batay sa pag-aaral sa panahon, partikular na kung paano ang maliliit na pagkakaiba sa naunang mga parameter values ay nagdudulot ng malaking mga pagbabago sa mga resulta pagtagal).

Personal kong kakilala ang ilan sa mga miyembro ng grupong nagmamantini ng Project NOAH, na nagbabantay sa panahon sa Pilipinas. Batay sa dami ng panahong ginugugol nila rito, alam kong talagang kinakailangan ang pagsisikap upang maabot ang isang antas ng accuracy pagdating sa kanilang mga prediksiyon.

Lalo pang humihirap ang gawaing ito kapag ang panahon ay "nagpasiyang" maging lalo pang kakaiba. Halimbawa, mga ilang buwan lang ang kaagahan, nakaranas ng isang mahabang taglamig ang Gitnang Europa; aba, nagyeyelo pa noong huling bahagi ng Marso! Tila ayaw talagang magpainit, ngayon naman ay parang isang maagang taglagas naman ang nararanasan namin, anupat kinakailangan naming mag-scarf at mag-jacket nang makapal sa kaagahan ng Hunyo. Ang malamig na panahon ay dumating na kasama ng malalakas na ulan. Umapaw ang mga ilog, at nakita ko sa balita kung paano naapektuhan nito ang Prague at ang Austria. Maging dito sa Dresden, kanselado ang ibang mga serbisyo ng lokal na tren dahil sa antas ng tubig ng Elbe.

Umaasa akong huhusay na ang panahon bukas (sa katunayan, umaraw na ngayon). Pero, gaya ng pinapatunayan ng mga binanggit ko sa itaas, hindi ko pa rin siguro masasabi nang may katiyakan kung gayon nga.





Nabanggit ko na pala ito: ang pangngalang pambalana na "panahon" sa wikang Filipino ay itinutumbas kapuwa sa weather (o climate) at sa time (o sa period of time). Siguro naisip na ng ating mga ninuno ang pagkakatulad ng dalawa. Mailalarawan mo lang ng may-katiyakan ang tungkol dito kapag tapos na ito. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.