tungkol sa visa

May kakaibang ihip ang malamig na hangin sa labas at ang hangin sa loob ng kukote ko. Matapos ang ilang araw nang hindi pagkakatulog, heto at hindi ako nagising sa alarm dahil sa malalim na pananaginip. Masasayang panaginip tungkol sa mga pang-araw-araw na gawain sa Pilipinas, gaya ng pag-aabang ng taxi o paglalakad-lakad sa Sunken Garden.

Kaya hindi ko pa matiyak noong una kung gising na nga ba talaga ako habang binabasa ang text ni misis:

"Mahal, dumating na ang passport ko! May visa na ako!"

Hindi pa bumabangon, agad akong napatawag. Ang pamilyar na boses na iyon ang tumiyak sa aking gising na ako, bagamat inaantok pa. Nasa tunay na mundo na ako, bagamat iyon ay sing-ganda ng panaginip.

Pagbalikwas, agad na nagbukas ng computer para bumili ng tiket ng eroplano. E ano ba kung mahal. Pagkatapos, nagplano na ng bakasyon sa Prague. E ano ba kung magarbo. Maya-maya pa, nagsimula nang mangarap ng masasayang sandali na tatagal ng tatlong buwan. E ano ba kung ilang linggo pa.

May kakaibang ihip ang malamig na hangin sa labas, at ang hangin sa loob ng kukote ko. Pero hindi ko na namalayan. Kung paanong sa panaginip ko ay nasasabik akong umuwi sa Pilipinas, paggising ko naman ay biglang gusto ko nang manatili sa Alemanya. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post