tungkol sa pizza delivery para sa tamad na maysakit

Ubos na ang pizza bago ko ito maisipang kunan ng larawan.



Karton na lang ang natira. Ngayon ay spicy chicken wings naman ang babanatan ko.

*****

Mga ilang araw na rin akong halos hindi lumalabas dahil sa sakit. Ibang klaseng magkaroon ng trangkaso dito. Bukod sa lamig sa labas, mas kalaban mo ang pag-iisa at pagkaalam na walang magbabantay sa iyo.

At magluluto para sa iyo. Gaya ngayon, nang gumising ako mula sa pagtulog ng tanghali at hindi ako halos makabangon dahil sa sama ng pakiramdam. Ayokong magluto. Madali lang namang magsaing, pero hindi ko alam kung ano ang uulamin.

Kaya, habang nakahiga pa, binitbit ang laptop at umorder ng pizza sa pinakamalapit na bilihan. Aba, may promo pa sila: Asian week pala ngayon, at may bago silang mga pagkain sa kanilang menu. Masubukan nga itong pizza na may beef toppings. At finger food: chicken wings. Makaorder na nga rin ng malamig na Coke.

*****

Pagkalipas ng 15 minuto, tumunog na ang doorbell. Iniabot na ng lalake ang order ko. Aba, nag-i-Ingles siya; oo nga pala, sinulat ko pala sa "Remarks" na hindi ako marunong mag-Aleman. Hehehe...

Ang nakasulat sa bill ay 14.35 euro, at wala naman daw delivery charge ang sabi sa website nila. Pero 16 euros ang inihanda ko, at hindi ko na hiningi ang sukli.

Sa ganitong pagkakataon, hindi na ako nagcoconvert sa piso (fine, kahit pa alam kong papatak na 800 pesos din iyon). Gasino na lang iyon kung ihahambing sa mabilis at maginhawang tanghalian ng isang tinatamad na maysakit. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post