tungkol sa pagbomba sa Dresden

Miyerkules ngayon, at kailangan kong dumalo sa aming pagpupulong. Hindi ako nagmamadali dahil ang Tram 13 patungo sa aking destinasyon ay humihinto sa tapat mismo ng aming gusali. Pero para maiba naman, binalak kong pumunta muna sa city center bago tumungo sa pulong ngayong araw na ito. Sa halip na alas-sais, alas-singko ng hapon ako umalis.

Mabuti na lamang at gayon ang ipinasya ko.

Kuha mula sa labas ng bintana.
Ang gusali sa tapat ay ang St.-Benno-Gymnasium.
Dito humihinto ang Tram 13.

Paglabas ko pa lamang ng pinto ng aking apartment, narinig ko na ang ingay ng animo'y isang demonstrasyon, kalakip na ang huni ng sirena ng mga kotse ng pulis.

Pagbukas ng pinto ng elevator, tumambad sa aking paningin ang isang malaking karamihan na nagkakatipon sa kalsada! May isang entablado sa gitna mismo ng intersection, at may nagsasalita sa mikropono habang sinasaliwan ng mga awitin ni Bob Marley. Sa kalye, may mga grupong may dalang plakard na umiindak sa masayang tugtugan.

Siyempre pa, walang tram; ninais ko sanang maglakad patungo sa pinakamalapit na istasyon pero pinigil ako ng isang batalyon ng mga pulis na hinarangan ang mga kalsada. Napilitan akong umikot patungo sa tabing-ilog para marating ang istasyong inaasahan kong may tram; pagdating doon, may isa na namang grupo ng mga tao na gaya ng dinatnan ko sa labas ng aming gusali ay nagpipiket at nakaharang sa riles. Kinailangan kong maglakad na namang muli nang malayu-layo sa gitna ng makapal na niyebe para makarating sa main train station.

Kahit pa roon, nalaman kong naka-detour ang karamihan sa mga linya. Nakadalawang lipat ako ng tram para lamang umabot sa pulong. Habang nasa biyahe ay kitang-kita ko ang paghugos ng karagdagan pang mga tao tungo sa direksiyon ng mga pagtitipong iyon. Maging ang maliliit at dating tahimik na mga kalye ay pinuno ng mga animo'y demonstrador.

*****

Sa pakikipag-usap sa mga kapatid pagkatapos ng pulong, nalaman ko ang sanhi ng pagkadiskaril ng byahe ko. Ika-68 taon na pala ng pagbomba sa Dresden noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Taun-taon na ang ganitong pagtitipon-tipon ng mga tao upang alalahanin ang mapangwasak na bahaging iyon ng kasaysayan ng lungsod.

Pagkawasak ng Dresden dahil sa pambobomba noong Pebrero 13, 1945.
Larawan mula sa Wikimedia Commons.

Ayon sa kuwento nila sa akin, noong Pebrero 13, 1945, binomba ng mga Alyado ang Dresden nang mga alas-diyes ng gabi. Sunud-sunod ang pagbabagsak ng mga bomba sa pamamagitan ng mga eroplano; malaking bahagi ng lungsod ang gumuho. Ang sikat na simbahan ng Frauenkirche, malaon nang naging simbolo ng Dresden, ay nasunog; humina ang pundasyon nito dahil sa init na siyang naging dahilan ng pagguho nito. Hindi ito muling maitatayo hanggang nito lamang 2005.

Bagamat 68 taon na ang nakakaraan, ipinaliwanag nila sa akin ang mga dahilan kung bakit hindi pa rin makalimutan ng lokal na populasyon ang tungkol sa pangyayaring ito. Hanggang sa ngayon, ipinoprotesta pa rin ng maraming tao ang pagbomba sa Dresden, dahil sa palagay nila ay may conspiracy na naganap sa likod nito. Halimbawa, isaalang-alang ang mga sumusunod na detalye:


  • Ang Dresden ay binomba noong panahong halos tapos na ang digmaan sa Europa; panahon na lang umano ang hinihintay bago lubusang mapasuko ang Alemanya. Kung tutuusin, hindi na sana kinailangan ang pagbombang iyon. 
  • Ang Dresden ay isang sentrong pangkultura. Taglay nito ang ilan sa mga pinakamagagandang mga gusali at malawak na mga koleksiyon ng mga sinaunang hari nito na nasa mga museo. Bagamat inaangkin ng mga Alyado na may papel ito sa industriyal na makinaryang pandigma ng Alemanya, hindi gayon ang tingin ng mga tao rito.
  • Ang pagbomba ay ginawa sa gabi. Kaya naman sampu-sampung libong mga tao ang namatay. Makikita sa artikulong ito ang nakalulungkot na mga larawan ng mga taong namatay dahil sa pag-atakeng ito.
  • Bandang huli, ang Dresden ay magiging bahagi ng Silangang Alemanya na nasa kontrol ng USSR. Ang pagbomba ay ginawa ng mga hukbong panghimpapawid ng Britanya, Pransiya, at Estados Unidos. Hindi maiiwasang makita ang bagay na ito sa pulitikal na punto-de-vista; ayon pa nga sa nagkuwento sa akin, sa diwa, ito ang unang aktuwal na digmaan na naganap noong Cold War. Maging ang mga Ruso ay paulit-ulit na ginamit ang pagbomba sa Dresden upang palaganapin ang propaganda laban sa mga Britano at Amerikano.

Kaya naman, ang mga grupong nadatnan ko noong hapong iyon ay nabibilang sa iba't-ibang lugar sa spectrum ng kaliwa hanggang kanan. Nariyan ang mga mapagpayapa; ginagamit nila ang pagkakataong ito upang ipalaganap ang mensahe ng pagkakaisa, pagpapatawad, at paglimot. Kung tutuusin, naitayo na nga namang muli ang Dresden, at ang cupola nga Frauenkirche ngayon ay regalo mula sa Britanya, sagisag ng pagpapatawaran. Ito marahil ang uri ng demonstrasyon sa harap ng aming apartment. Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga konserbatibo, mga maka-kanang grupo na patuloy na inaalala ang pangyayaring ito upang paigtingin ang nasyonalismo. Para naman sa kanila, kailangan pa ring mabigyang-linaw ang mga pangyayaring ito, at mapanagot ang mga kailangang mapanagot.

Ang maraming mga pulis (ayon sa mga taga-rito, halos buong puwersa ng estado ng Saxony) ay kinakailangan upang pigilang magpang-abot ang mga grupong ito. Dati raw kasi, nagkaroon na ng maliliit na mga labanan sa pagitan ng mga grupo na may magkalabang ideolohiya. Isinara ang maraming kalsada upang mapaglayo ang mga magkakaibang demonstrasyon.

*****

Nakisabay ako kina Holger at Irene pauwi. Bagamat wala nang mga tao, sarado pa rin ang ilang mga kalsada; umikot pa kami para makarating sa gusali. Matapos makapagpasalamat, nagpaalam na ako sa kanila, umaasang hindi na sila umikot pang muli sa pag-iwas sa iba pang mga saradong kalsada patungo sa kanilang bahay.

Habang naghahanda ng hapunan, nagbasa ako ng mga ulat tungkol sa pagbomba sa Dresden. Bukod sa pagkaantalang idinulot nito sa akin kanina, ang mga istoryang kaakibat ng bahaging ito ng kasaysayan ang mas malaking dahilan upang hindi ko ito malimot. ●


Mga Komento

Kilalang Mga Post