Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa baha sa pinakataas na palapag

Nang maitayo ito, maraming nagandahan sa NIP building. Isa na ako doon.

Larawan mula rito.

Natuwa ako sa lokasyon ng aming laboratoryo. Nasa pinakatuktok ito ng Research Wing. Kuhang-kuha sa larawang ito ang aktuwal na lokasyon ng aming lab, sa kantong-kanto sa pinakataas. Mula sa matayog na lokasyon nito, tanaw na tanaw ang Katipunan at ang mga kapitbahay na Miriam at Ateneo. Sa malayo ay makikita rin ang mga gusali ng Ortigas.

Pero gaya ng maraming iba pang magagandang bagay sa mundo, mapandaya ang anyo, at minsan pa itong napatunayan nang muling rumagasa ang malakas na pag-ulan sa Kalakhang Maynila nitong nakaraang mga araw.

*****
Naghahanda ang marami sa baha, na unti-unting umaabot sa bubong. 

Larawang kuha ni Aeriel

Samantala, sa NIP, ang tubig ay may kakaibang paraan ng pamiminsala. Nagsisiumula ito sa bubong, anupat sumusuot sa mga siwang, pinupuno ang kisame, at, kapag mabigat na ito at di na kayang suportahan ng lumambot na plywood, sasambulat ito sa walang kamalay-malay na mga computer, camera, upuan at aklat. Ito na ngayon ang itsura ng lab: wasak ang mga kisame, basa ang mga gamit, maputik, at, dahil sa pagmamalasakit ni Ma'am Jing at ng mga estudyanteng nakatira malapit sa UP, nakaplastic na ang karamihan ng mga kasangkapan.

Ang terminong ginamit ni Ma'am Jing? Hindi na ligtas na manatili sa lab.

*****

Kung may mapupulot mang positibo mula sa karanasang ito, iyon ay na pinatitibay at pinatitingkad sa gitna ng ganitong kalunus-lunos na mga pangyayari ang pagkatao ng isa. Sabi nila, ang determinasyon daw ng mga Pinoy ay waterproof. Isama na rin natin ang iba pang mga katangian, tulad ng pagkamasayahin, pag-asa, at siguro ay pagtutulungan. 

Pero mas maganda pa rin siguro kung pati ang mga building ng mga Pinoy ay waterproof. 

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.