Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa UPCAT

Kung kailan naman wala na ako sa UP, ngayon ko pa naisipang magsulat tungkol sa simula ng kaugnayan ko rito.



Laman kasi ng balita ang UPCAT dahil sa unang pagkakataon ay may essay part ang pagsusulit. Naglipana ang mga nakakatawang tanong na hindi umano pumasa para gamitin sa UPCAT. Nang makita ko mula sa mga balita ang aktuwal na mga tanong, wala namang halos ipinagkaiba ang mga ito mula sa mga gawa-gawa lang! Ang nakakaaliw at nakakabaliw na mga tanong sa UPCAT ang paksa ngayon ng mga usap-usapan sa social media, at bagamat naiinis ang mga kumuha nito, natutuwa naman ang iba dahil pinalalabas daw nito ang malikhaing pag-iisip ng mga bata.

Di gaya ng ibang tao na sobrang natuwa sa pagbabagong ito, ayoko nang kumuha muli ng UPCAT.

Unang Sabado ng Agosto ng taong 2000 nang sumalang ako sa UPCAT. Iba pa noon; wala pang essay questions. Uso pa noon ang quota vs. nonquota courses; pumili ako ng isang nonquota course sa pag-iisip na mas magiging madali ang pagpasa. Aba, para bang sinadya, kumuha ako ng UPCAT sa Llamas Science Hall, na siyang magiging bulwagang paglalagian ko sa buong limang taon ko sa kolehiyo.

Hindi ko na maalala ang mga tanong. Ang totoo, hindi ko na maalala kung paano ako nagsagot. Mas naaalala ko pa ang maikling paghinto para sa pagpapahingalay na ibinigay ng tagapagsulit; bumabasa mula sa nakahandang script, inutusan niya kaming tumayo at mag-unat-unat.

Hindi rin ako nainip sa paghihintay ng resulta. Nang dumating ito (hindi pa kasing lawak ang saklaw noon ng Internet, kaya umasa kami sa balita mula sa nanay ng isa naming kaklase na aktuwal na pumunta sa UP para sumilip sa paskil), ang totoo'y hindi rin ako natuwa o na-relieve.

Wala pa akong ideya noon kung ano ang UP, at kung ano ang mga pagdadaanan ko.



Ngayong alam ko na (aba, 11 taon din akong nanatili sa UP!), hindi ako nanghinayang. Hindi pala ako nagkamali. Ngayon lang ako naging proud na naipasa ko ang UPCAT. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.