tungkol sa baha sa pinakataas na palapag

Nang maitayo ito, maraming nagandahan sa NIP building. Isa na ako doon.

Larawan mula rito.

Natuwa ako sa lokasyon ng aming laboratoryo. Nasa pinakatuktok ito ng Research Wing. Kuhang-kuha sa larawang ito ang aktuwal na lokasyon ng aming lab, sa kantong-kanto sa pinakataas. Mula sa matayog na lokasyon nito, tanaw na tanaw ang Katipunan at ang mga kapitbahay na Miriam at Ateneo. Sa malayo ay makikita rin ang mga gusali ng Ortigas.

Pero gaya ng maraming iba pang magagandang bagay sa mundo, mapandaya ang anyo, at minsan pa itong napatunayan nang muling rumagasa ang malakas na pag-ulan sa Kalakhang Maynila nitong nakaraang mga araw.

*****
Naghahanda ang marami sa baha, na unti-unting umaabot sa bubong. 

Larawang kuha ni Aeriel

Samantala, sa NIP, ang tubig ay may kakaibang paraan ng pamiminsala. Nagsisiumula ito sa bubong, anupat sumusuot sa mga siwang, pinupuno ang kisame, at, kapag mabigat na ito at di na kayang suportahan ng lumambot na plywood, sasambulat ito sa walang kamalay-malay na mga computer, camera, upuan at aklat. Ito na ngayon ang itsura ng lab: wasak ang mga kisame, basa ang mga gamit, maputik, at, dahil sa pagmamalasakit ni Ma'am Jing at ng mga estudyanteng nakatira malapit sa UP, nakaplastic na ang karamihan ng mga kasangkapan.

Ang terminong ginamit ni Ma'am Jing? Hindi na ligtas na manatili sa lab.

*****

Kung may mapupulot mang positibo mula sa karanasang ito, iyon ay na pinatitibay at pinatitingkad sa gitna ng ganitong kalunus-lunos na mga pangyayari ang pagkatao ng isa. Sabi nila, ang determinasyon daw ng mga Pinoy ay waterproof. Isama na rin natin ang iba pang mga katangian, tulad ng pagkamasayahin, pag-asa, at siguro ay pagtutulungan. 

Pero mas maganda pa rin siguro kung pati ang mga building ng mga Pinoy ay waterproof. 

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post