tungkol sa pagpaplantsa

May panahong ako ang pinakamahusay magplantsa sa bahay. Kahit si Mama ay umaamin dito; hanggang ngayon, mas mabusisi siya kapag nagpaplantsa ng mga damit ko, dahil baka raw may masabi ako.

*****

Halinhinan kami noon ng bunso kong kapatid sa paglalaba at pagpaplantsa tuwing Sabado, dahil nasa kolehiyo na ang mga ate namin. Pero sa dalawang ito, mas gusto kong magplantsa, kahit pa noong dumating ang aming washing machine sa bandang huli. Hindi ko gusto ang pagkabasa ng damit, at nakakapagod para sa akin ang pagkusot at pagsasampay. Samantala, may kung anong kasiyahan akong natatamo sa pagwiwisik ng tubig sa nakalatag na damit, paghagod dito ng plantsa, at paghanger sa unat na unat na finished product.

Paborito kong plantsahin ang mga long-sleeves ko. Magsisimula iyan sa kuwelyo (na madaling umunat dahil may pampatigas), pagkatapos ay sa harapan, sa bandang dibdib, at tutuloy sa likurang bahagi. Susunod dito ang mahabang mga manggas, na ingat na ingat ako upang hindi madoble ang tupi. Pagkatapos sa kanto ng kabayo, ilalatag ko ang balikat ng damit, sinisigurong walang tupi sa bahaging ito.

Isang bagay na maingat kong iniiwasan kapag nagpaplantsa ay ang muling pagkalukot ng damit. Kapag naplantsa na ang isang bahagi, maingat ko itong ibinabaling, anupat nakaunat kong ibinabaliktad bago ko plantsahin ang susunod na bahagi. Makailang ulit din kasing nangyari na ang isang plantsado nang parte, dahil hindi maingat na ibinaling, ay muling malulukot. Sa katunayan, mas matindi pa nga minsan ang lukot na ito, dahil mainit pa ang damit nang mabuo ito.

*****

Sa ngayon, hindi na ako ganoon ka metikuloso sa pagpaplantsa. Bukod sa wala akong kabayo, wala akong panahon. Kagabi, inubos ko ang magdamag sa pagplantsa ng lahat ng mga damit ko, ang iba dito'y meron pang tupi mula sa pagkakaimpake. Ang bawat natatapos na damit ay bahagyang bumabawas sa antok at pagod. Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang ligayang iyon na dala ng mahusay na pagkakalapat sa mga tupi ng damit.

Nang lumalalim na ang gabi (madaling araw na), pinilit kong madaliin ang huling dalawang polo. Sa halip na mapadali, inulit ko silang padaanan ng plantsa. Muli, ang mga lukot dahil sa di-maingat na pagbaling ng damit ang naging problema.

Wala kasing shortcut. Pwedeng magmadali, pero hindi pwedeng hindi maging maingat. 


Mga Komento

Kilalang Mga Post