tungkol sa pagbisita ng kapatid at bayaw
Binisita ako ng Diche ko (ang "diche" ay isang kataga ng paggalang sa ikalawang pinakamatandang kapatid na babae, pagkatapos ng "ate") at ng asawa niya nitong nakaraang linggo.
Inabutan nila ang isang maluwang, walang lamang bahay at ang nag-iisa, walang muwang nilang kapatid. Dalawang buwan na ako sa Dresden pero mabibilang pa rin sa daliri ang mga lugar na napuntahan ko, at napakarami ko pang tanong tungkol sa kalakaran ng buhay. Siguro inuunti-unti ko lang ang pagdiskubre sa mga bagay na ito dahil sa maraming oras at kakaunting salitang Aleman na alam ko.
Nakatatak sa isip ko na pansamantala lang ang pananatili ko rito, kaya hindi ako gumagawa ng paraan para makihalo sa mas malawak na mundo sa labas.
Pero nang dumating sila, nagbago ang lahat. Ginugol namin ang bawat araw sa paglilibot sa kasuluk-sulukan ng lunsod. Kulang ang lampas isang linggo para mapuntahan namin ang lahat ng mga magagandang museo na dati ay natatanaw ko lang mula sa bintana. Natapos ang isang linggo, kasabay ng pagkakabit ng internet at kuryente, pagkapuno ng refrigerator, pagkalinis ng bahay, at pagkatuyo ng lahat ng labada ko.
Inihatid ko sila ngayon sa airport dito sa Frankfurt. Kakapasok lang nila sa gate, dala ang mga pasalubong namin para sa Pilipinas.
Ngayong umalis na sila, hindi na ako babalik sa tuluyan ko.
Uuwi na ako. :) ●

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento