tungkol sa Frankfurt
Lahat ng kuha ko ay sa loob lang ng taxi. Iyon na ang opisyal na paglilibot ko sa downtown. Bukod sa kawalan ng panahon, hindi ako nakapaglibot dahil nalula ako sa Frankfurt.
Sa katunayan, ikaapat beses ko na ito na tumapak sa Frankfurt. Ang Frankfurt ang entry at exit point ko sa paglapag sa Europa mula sa Asya. Bukod sa natural na kaba na dulot ng mahigpit na immigration, tumatak sa isip ko ang eksena ng skyline ng Frankfurt mula sa eroplano. Puno ito ng mga higanteng gusali hanggang sa abot ng tanaw. Malayung-malayo sa halos deretsong horizon ng iniwan kong Pilipinas, o sa mga toreng Baroque ng akin ngayong tahanang Dresden.
Ang Frankfurt ay mula sa Kanlurang Alemanya, at napasailalim ng kontrol ng mga Amerikano matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito na ngayon ang sentrong pinansiyal ng Alemanya at maging ng buong Europa. Ayon sa pagsasaliksik, pinakamahal mamuhay sa Frankfurt sa buong Alemanya.
Matapos ihatid ang aking Diche at ang kaniyang asawa, nagkaroon ako ng sandaling pagkakataon para galugarin ang lunsod. At dahil nalulula nga ako sa mga nagtataasang gusali, naglakad-lakad ako sa isang maliit na eskinita sa tapat ng istasyon ng tren.
Bakas ang mas malayang kulturang dala ng mga Amerikano. Na-culture shock ako, at bigla akong nag-alala sa seguridad. Unang tumambad sa akin ang naglipanang mga mga bahay-aliwan (anupat parang naglalakad lang ako sa Avenida sa Maynila). May mga nagtitinda ng kung anu-anong abubot (parang mga kariton sa Divisoria o sa Baclaran). Lahat ng naglinyang mga restaurant ay nasa wikang Ingles; sa pagdaan ko, nauulinigan kong nag-uusap ang mga parokyano sa wikang Ingles (bagay na bihira mong makita sa Dresden). Siyempre, may McDonalds sa kanto. Bagamat may mga gusali pa rin na mukhang galing sa mas maagang panahon, karamihan sa mga disenyo ay makabago na.
Ang eskinitang iyon ay parang isang malayong mundo kung ihahambing sa sentro ng lungsod, mga ilang bloke lang ang layo. Bagamat marami pang oras, hindi na ako nagtagal sa lugar, anupat sumakay na sa unang taxing nakita ko. Nagpahatid ako sa aking hotel.
Dinala ako ng taxi sa kalagitnaan ng isang makitid na kalyeng punung-puno ng mga bar. Ito pala ang tambayan ng mga kabataan, parang Eastwood lang ng Pilipinas. Hindi naman ako binigo sa paglalakad-lakad ko noong gabi: buhay na buhay ang lunsod sa gabi dahil sa mga aktibidad, ilaw, at mga tao. Nakuntento na ako sa kalahating litrong Coke mula sa vending machine sa subway sa gabing iyon ng aking pagliliwaliw. Sapat na ang mga nakikita ko para busugin ang mata at ang diwa ko tungkol sa pulso ng lunsod.
Pagdaan sa isang bookstore, pumili ng isa, dalawa, tatlong postcards na wala namang partikular na padadalhan. Sigurado akong magkikita pa kami, mapapadaan pa ako rito. Pero sa ngayon, sapat na muna ang lula, kaba, at paghangang naramdaman ko sa maikling pagmamalas sa modernong Frankfurt. ●
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento