tungkol sa TV Patrol

Matanda lang ako ng kaunti sa kaniya.

Ikadalawampu't limang taon na pala ng TV Patrol, ang kinagisnan ko nang tagapaghatid-balita sa lokal na wika sa telebisyon. Marami nang nagbago: sa dami at pagkakakilanlan ng mga tagapagbalita, sa oras at tagal ng programa, sa teknolohiyang sangkot. Marami nang humahamon sa pamamayagpag nito, mga programang di hamak na mas huling nagsisulpot at may mga tagapagbalitang may istilong bombastiko. Pero hanggang ngayon, ang TV Patrol pa rin ang kumukumpleto sa mga gabi ng maraming Pilipino, anupat parang may kulang kapag hindi mula rito nila nakuha ang balita.



Gaya ko ngayon, habang mag-isa sa Alemanya. Sa maghapon ay nabasa ko na ang mga balita sa Pilipinas mula sa iba't-ibang reperensiya. Ang Internet ay nagbukas ng daan para sa mabilis na pamamahagi ng balita. Pangunahin na, nariyan ang mga online websites ng mga pahayagan at mga network. Malalaman mo rin ang mga kaganapan kahit sa mga blog at social networking sites. Ang mga live streaming sites ay magpapakita sa iyo ng mga pangyayari habang nagaganap ang mga ito. At siyempre, may TV pa rin naman ako sa bahay, at maging sa mga internasyonal na ahensiya ay naipapalabas din ang mga balita mula sa sulok na iyon ng daigdig.

Pero pagdating ng gabi, pagsapit ng ika-7:00 dito sa Dresden, uupo pa rin ako, haharap sa computer, at panonoorin ang replay ng TV Patrol mula sa kanilang website. Pulitika. Isports. Showbiz. Kahit pa ang report tungkol sa aksidente sa EDSA ay matama kong inaantabayanan.

May kung anong epekto pa rin ito sa akin, gaya pa rin ng sa maraming taong gabi-gabi kong pag-antabay rito. Dinadala ako nito sa aming hapag, sa hapunan, sa pagalit na mga komentaryo ng aking ama sa mga isyung panlipunan. Ibinabalik nito ang imahe ng isang karaniwang eskinita sa Pilipinas, kung saan maging ang mga nag-iinumang tambay at ang mga barbero ay bumubuo ng mga komentaryo tungkol sa gobyerno at sa palakasan. Ipinapaalala nito ang mga nanay na inaabangan ang mga pinakahuling chismis.

Sa nakaraang mga taon - hindi, halos sa buong buhay ko - nakasama ko na ang TV Patrol.

Parang bahagi na siya ng aking pagka-Pilipino. 

Mga Komento

Kilalang Mga Post