Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa buhay na mag-isa

Sa ibang kultura, pagtuntong ng isang tao sa isang edad kung kailan maituturing na siyang adulto, kailangan na niyang bumukod sa kaniyang mga magulang at magsimulang magsarili. Sa mga pelikula at sitcom ay katawa-tawa ang paglalarawan sa mga taong hindi gayon ang ginagawa. Ang pamumuhay mag-isa ay ipinagdiriwang, at iniuugnay sa pagpapasiya para sa sarili.

Pero sa mga Pinoy, at marahil ay sa maraming iba pang bansang Asyano, baliktad ang kalakaran. Ang mahigpit na buklod ng mga pamilya ay hindi nawawala kahit pa maging adulto ang mga anak, at kahit pa nga magkaroon na sila ng sariling pamilya. Di iilan ang mga kaibigan kong nakatira sa mga compound nina Lolo at Lola, kapitbahay sina Tito at Tita at mga pinsan. Sabihin pa, sa ating kamalayan, ang pagsasarili ay isang bagay na seryosong pag-iisipan; kahit pa mapahiwalay sa pisikal, mas malamang na naroon pa rin ang kaugnayan sa pamilyang iiwan sa ibang aspekto.



Nararanasan ko ngayon kung paano mabuhay mag-isa sa Dresden. Bagamat hindi na ito bago (kinailangan ko ring bantayan ang sarili ko noong una akong pumunta rito), nagdadala pa rin ito ng marami at magkakahalong mga damdamin at karanasan.

Nagsimula ito sa pagkasabik: sa mga bagong lugar, tao, at bagay. Dala ko lagi noon ang aking camera, kinukunan ng larawan kahit pa ang pinakaordinaryong mga tagpo. Ibang kasiyahan ang dala ng pag-iisa sa simula, kapag ikaw na ang bahalang magdikta kung saan ka pupunta, kailan ka uuwi, ano ang iyong kakainin at gagawin, at walang magtatanong kung bakit.

Tutuloy ito sa pagkamulat: na ikaw na ang kailangang magtulak sa sarili sa lahat ng bagay. Ikaw na ang maagang gigisng para magluto, maghugas, maglinis, maglaba at magplantsa. Dito rin papasok ang pagka-miss sa mga dating kalagayan nang may kasama ka pa. Pero higit sa lahat, ito rin ang magmumulat sa iyo tungo sa pagiging responsable.

Bandang huli, darating na ang pagkasanay: nauunahan mo na ang alarm clock sa umaga, kabisado mo na ang susunod na gagawin, mas mahusay na ang pamamahala mo sa oras.

Ang proseso ay hindi kumpleto kapag walang bagong mga kaibigan at kasama. Ang pamumuhay nang mag-isa ay hindi naman talaga nangangahulugan ng pagbubuhay-ermitanyo. Sa bagong mga kasamahan, mas lalawak ang pananaw mo sa mundo, at mas mauunawaan mo kung gaano ka ka-espesyal bilang indibiduwal. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.