Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglalakad ng mga papeles sa mga opisina ng gobyerno

Kailangan ng pera, panahon, at lakas (pati na lakas ng loob) para maglakad ng papeles sa Pilipinas. Dahil ito sa pagsasama-sama ng maraming iba't-ibang salik. Una na rito ang dami ng tao, lalo na sa Maynila at mga kalapit na lugar. Nariyan din ang kakulangan ng pondo ng mga ahensiya para pasulungin ang kalidad ng kanilang serbisyo. Madalas, sangkot din dito ang pag-uugali ng ibang mga tauhan ng mga opisina; bagamat hindi naman lahat, ang iba sa mga ito ay umaasta na para bang utang na loob mo pa sa kanila na gawin nila ang kanilang trabaho. May mga nanghihingi rin ng lagay at pampadulas kung minsan.

Literal akong naglakad; nilista ko para di ako mawala.
Ito ang unang pumasok sa isip ko nang sabihin ni Sabine (ang mabait na secretary ng aming Institute) na pupunta ako sa mga opisina ng gobyerno. Aba, nagbababala rin ang librong ibinigay niya: asahan na daw na ang mga Aleman ay mahilig sa burukrasya. Dahil sa mga karanasan ko sa Pilipinas, talagang kinabahan ako sa paglalakad ng mga papeles.

Nang makapaghanda na, naglakad na ako papunta sa unang destinasyon: ang Registration Office para sa aking Residence Permit.



*****

Pagdating ko sa opisina, ang una kong ikinagulat ay kung gaano ka-konti ang tao. Hindi lalampas sa sampu ang mga naghihintay, para serbisyuhan ng sampung desk. Siguro dahil lang sa oras. O marahil, dahil kaunti lang naman talaga ang mga dayuhang naninirahan sa Dresden.

Ang eksena ay parang sa bangko: kukuha ka ng numero mula sa isang electronikong ticket machine pagpasok. Nasa isang malaking screen sa gilid ang numero at kung saang desk ka aasikasuhin. Wala pang sampung minuto matapos kong umupo, tinawag na ako sa desk number 7. Ikalawang obserbasyon: napaka-efficient.

Kinausap ako ni Frau (Ms) Sylvia Muller sa Aleman, pero sinabi kong Ingles lang ang alam ko. Sinabi ko ang pakay ko na kumuha ng Residence Certificate. Kinuha niya ang passport ko at tinanong ako ng ilang bagay. Aba, pareho pa pala kami ng relihiyon; tinanong niya kung kailan at saan daw ako dumadalo. Nagsimula na akong magkuwento; pati na ng mga bagay tungkol sa pinanggalingan kong bansa. Aba, ikatlong obserbasyon ko, mababait ang mga tao dito. Siguro ay dahil hindi sila stressed.

Ikaapat na napansin ko na wala man lang akong binayaran. Nang ma-print na ang permit ko, pinabasa ito ni Sylvia sa akin para tingnan kung may mali. Wala naman. Ibinigay niya ito sa akin. Naghihintay akong magsabi siya kung magkano ang dapat kong bayaran, pero parang wala siyang sinabi; ang mga tao sa ibang mga mesa ay parang wala rin namang inilalabas na pera. Aalis na dapat ako nang paghintayin niya ako sandali: may ibinigay siyang isang bag ng mga "goodies" (iyon ang tawag niya), taglay ang mga mapa, libro at magasin (na lahat ay sa Aleman), papel at bolpen, at postcard. Binibigyan daw talaga ang mga unang beses na nagpaparehistro. Akalain mo; ako pa ang binigyan ng mga gamit!

*****

Pero siyempre, Pinoy pa rin ako, nakaugat na yata sa sistema ko ang pagkabahala at paghahanda sa tuwing pupunta sa mga opisina ng gobyerno. Sa mga susunod ko pang pupuntahan, partikular na sa Foreigners Office para sa visa, siguradong ihahanda ko pa rin ang sarili ko. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.