tungkol sa Dresden

HKIA
Sa Hongkong, habang hinihintay ang flight
papunta sa Frankfurt. Disyembre 2011
Una akong nakarating sa Dresden noong Disyembre 2011.

Halos kalahating taon na noon mula nang makuha ko ang aking Doktorado sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtatrabaho ako bilang Assistant Professor of Physics sa National Institute of Physics ng UP, kung saan din ako nagtapos. Isang kalakaran para sa mga bagong PhD na mag-apply para sa postdoctoral position sa ibang institusyon (kadalasan na ay sa ibang bansa) upang mapalawak ang mga kaalaman, at makakuha ng bagong mga larangan ng pananaliksik na dadalhin nila pabalik sa Pilipinas. Sa puntong ito, naghanap din ako. Lalo pa't ito lang ang paraan para makapanatili ako sa trabaho ko bilang guro.

Sa tulong ng aking adviser, si Dr. Christopher Monterola, kinausap namin ang Head ng isang research group sa Max Planck Institute for the Physics of Complex Systems. Si Prof. Holger Kantz ay mula sa Nonlinear Time Series Analysis Group; isang kilalang siyentipiko at awtor ng pinakabatayang akda sa paksang nonlinear time series analysis. Matapos ang kaniyang positibong pagtugon, nagpasa ako ng mga dokumento sa kanilang Visitors Program, at di nagtagal ay may dumating na email na nag-iimbita sa akin para magtrabaho ng isang buwan sa Dresden. Parte ito ng aking aplikasyon; para makilala nila ako at para malaman ko rin naman ang buhay sa Max Planck.

Disyembre, isang buwan matapos dumating ang sulat, ay pinili ko nang magsimula sa pananaliksik.



*****

Ang Dresden ay ang kabiserang lungsod ng estado ng Saxony sa Alemanya. Isa rin ito sa mga pinakaimportanteng lungsod ng bansa. Kilala ito dahil sa mga museo at mga lumang kastilyo, sa transportasyon (isa ito sa mga sentro ng pag-aaral tungkol sa transportasyon sa Europa), at sa tanyag na ilog nito, ang Elbe.

Dresden, sa tabi ng ilog Elbe.

Marami sa mga lumang gusali ng Dresden ay nasira sa pambobomba ng mga puwersang Alyado noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pinakatampok marahil sa mga ito ay ang Fraunkirche (Church of our Lady), na matagal nang siyang pinakasimbolo ng lungsod. Nang masira ito, hindi ginalaw ng mga tao ang mga guho dahil nasa isipan na nila ang pagsasaayos nito. Bagamat nagtagal, gayon nga ang nangyari; sa tulong ng makabagong teknolohiya, ang mga natirang mga piraso ng simbahan ay muling ibinalik kasama ng mga bagong materyales, upang muling ibalik ang dating itsura nito. Isa na itong simbolo ng pagkakaisa at kapayapaan.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Saxony (na nasa pinaka-silangan ng Alemanya) ay napasailalim ng kontrol ng mga Ruso, sa ilalim ng pamahalaang German Democratic Republic, o mas kilala bilang ang Silangang Alemanya (East Germany). Ang pamahalaang Komunista ay nagwakas noong 1990, at muling napag-isa ang Kanluran at Silangang Alemanya. Pero sa kabila nito, malinaw pa ring makikita sa Dresden ang mga bakas na iniwan ng mga Ruso. Nariyan ang paggamit ng wikang Ruso (pagkatapos ng Aleman ay Ruso ang wikang alam ng mas maraming tao, lalo na ang mga matatanda), mga disenyo ng mga proyektong pabahay, at ang mas konserbatibo at rural na kapaligiran (kung ihahambing sa mga lungsod sa Kanluran, gaya ng Hamburg o Frankfurt).

*****

Kuha mula sa aking opisina, unang pagbisita sa Dresden.
Ang huling nabanggit ay tamang-tama sa akin. Mas napahalagahan ko ang lugar dahil sa payapang katangian nito.

Nakisama rin ang panahon. Malamig ang Disyembre, pero sinasabi ng mga tao na hindi iyon ang pinakamalamig. Sa katunayan, sa pana-panahon ay sumisikat pa ang araw, na bihira sa gayong mga panahon. Noong sinundang taon, naranasan ng Dresden ang isa sa pinakamalalamig nitong panahon, nang bumagsak sa -15 sentigrado ang temperatura. Pero ang Disyembre ngayon ay mabait sa unang-beses na bisitang tulad ko. (Nalaman kong Pebrero dumating ang rurok ng taglamig.)

Ang isang buwang pananatili ko sa Dresden ay hitik sa mga nakakatuwa at nakakatawang kuwento. Sabihin pa, marami akong natutunan mula sa karanasang iyon.

Nang huli kaming mag-usap ni Prof. Kantz bago ako umalis, humingi siya ng tawad dahil hindi niya ako maipakilala sa mga tao. Oo nga naman, Disyembre noon, at ang lahat ng tao ay uuwi sa kani-kanilang tahanan. Mabuti nga at naabutan ko pa siya.

Nagpahiwatig siya na mas maganda ang babalikan ko.

*****

At gayon nga ang nangyari.

Muli akong sinulatan ng Institute para imbitahan para sa isa o dalawang taong postdoc. Abril o Mayo ang kanilang panahon para magsimula. Pinili kong bumalik sa pagsisimula ng Mayo.

Masasabing bagong karanasan pa rin ang pagbisita ko ngayon. Ibang-iba ang Dresden na inabutan ko: namumulaklak ito sa panahon ng tagsibol.

Kuha mula sa tren mula sa Frankfurt patungong Dresden. Mayo 2012

Mas mahaba ang araw, anupat 8:30 ng gabi kung lumubog ito. Mas marami na ring tao sa Institute. At mas marami na rin akong papeles na lalakarin bilang foreigner na tatagal nang isang taon. Nariyan ang Registration, visa extension, health insurance, at kung anu-ano pa. Bukod pa siyempre sa reserach na gagawin ko.

Kaya tama na muna siguro ang pagkukuwento. Mas marami pa akong panahon sa mga darating na araw. Makikipagkumustahan muna akong muli sa Dresden. ●

Mga Komento

  1. nakakatuwa naman ang paskil na ito.Labindalawa- labintatlong taon na nakalipas nung nangongopya pa ako sa iyo sa mga pagsusulit sa Physics. Ngayon isa ka nang dalubhasa.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Haha! Hindi naman! :) Wag kang maingay, baka bawiin nila ang grade natin sa Physics! Haha! :)

      Burahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post