Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa badminton nang gabing-gabi

ang (dati nang) pagiging masakitin at ang (bago pa lang na) pagtaas ng timbang ang siyang nakakumbinsi sa akin na kailangan na talaga ng aking katawan ng ehersisyo at/o iba pang pisikal na aktibidad.

hindi ako mahilig sa aksiyon. mas mamabutihin ko pang maghapong humarap sa computer o matulog kung wala namang ginagawa. kaya hindi ako nahilig sa isports o iba pang pisikal na libangan. kung may pinakamalapit sa pisikal na aktibidad na nagugustuhan ko, ito marahil ay paglalakad-lakad, o pagbibisikleta.

kaya naman atubili akong sumama sa paglalaro ng badminton na isinaayos ni Faith, kaibigan ni Steph (na ipinakilala sa kanya ni Phoebe). ikinatuwiran ko sa sarili ko na dapat ding makisama ni Steph sa ibang mga kaibigan, pero sa totoo'y tamad (o takot?) lamang ako na pagpawisan. marunong naman ako kahit papaano, pero hindi naman ako magaling. bukod pa rito, marami naman siguro sila, at hindi naman malaking bagay ang hindi ko pagpunta.

bandang huli, pumayag na rin ako nang malamang kaming tatlo na lamang ang kalahok.

ang alas-otso ay naging alas-nuwebe, at ang hanggang alas-diyes ay umabot hanggang alas-onse y medya.

ang puting t-shirt ko ay basang-basa sa pawis, at nagmarka na yata ang mga daliri ko sa hawakan ng raketa. magaling ang mga kalaban ko! gaya ng inaasahan, ako ang laging natatalo, at ang laging nagpupulot ng shuttlecock.

kinabukasan...

ang alas-otso (na gising) ay
naging alas-nuwebe, at ang hanggang alas-diyes aynapalitan ng tuluy-tuloy na tulog na umabot hanggang alas-onse y medya.

ang puting kumot ay nakabalot pa rin sa akin, at nagmarka na yata ang katawan ko sa kama. magaling ako sa panaginip! pero paggising, ang sakit pa rin ng braso at balakang dahil sa pagtakbo at pagpupulot ng shuttlecock.

pisikal na aktibidad? hmm...saka na lang ulit. :)

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.