Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bunga ng durian

Paano malalaman / Kung kailan / Mahihinog ang durian? 

Mapapatula ka na lang kung hindi ka mapapatulala sa dalawang durian na nakalaylay ngayon mula sa puno sa harap ng bahay. Mga ilang linggo na, buwan na nga yata, mula nang mapansin namin ang mga ito, at ngayon ay natatakot kaming mahulog na lang sila sa bubong. Kahit subukan man naming pisilin ang mga ito, hindi rin namin malaman kung ano ang nasa ilalim ng makakapal at nakakatusok na mga balat ng mga ito.

dalawang durian
Ang dalawang bunga ng durian


Noong mga huling bahagi ng 2010, ang mga biyenan ko ay nagtanim ng mga buto ng mga prutas na iniregalo sa kanila ng mga kaibigan. Galing pa raw ang mga iyon sa ibang bansa, at talagang nasarapan sila kaya gusto sana nilang itanim ang mga iyon. Nakabuhay sila ng dalawang langka, isang avocado, at isang durian, lahat ay nakatanim sa mga plastik na baso mula sa fast food. 

Ang problema: Walang lupang mapagtataniman ng mga punlang iyon sa Las Piñas, lalo pa sa Moonwalk kung saan sila nakatira. Eksakto namang nagpapatayo kami noon bahay sa mga kabundukan ng San Mateo. Kaya naisipan naming maganda siguro kung ang mga halamang ito ay magiging mga punong magbibigay ng ganda at silong sa harap ng bahay namin.  Kaya hayun. Sa magkabilang gilid namin itinamin ang mga langka, at sa gitna naman ang avocado at ang durian. 

ipinapatayong bahay
Ang itsura ng bahay noong 2010.

punla ng durian
Ang binhi ng durian.

Nawala na ang avocado (pinutol ito dahil hindi ito tumatangkad, anupat nakaharang sa bintana), pero ang mga langka at ang avocado ay nasa harap pa rin ng bahay, kasama ng iba pang mga puno at halamang inalagaan namin. Aba, naging plantita rin si Steph noong panahon ng pandemic, kaya punung-puno ng mga halaman ang harap ng bahay noong 2020. 

harap ng bahay
Ang harap ng bahay noong 2020. Ang puno ng durian ay nasa kanan, malapit sa metro ng kuryente at tangke ng tubig.


Sa pagdaan ng panahon, lumaki ang binhi upang maging isang napakalaking puno. Pero sa loob ng ilang panahon, inakala naming ganoon na lang iyon. Ang puno ay lumago, sumagi sa alulod, at nagkalat ng napakakapal ng root system anupat nabutas ang tubo namin. Namulaklak ito noong nakaraang taon, pero hindi naman natuloy bilang mga bunga. May nakapagsabi pa nga na, gaya ng papaya, baka ang punong ito ay may kasarian, at na ang aming itinanim ay isang lalaki: namumulaklak lang pero hindi mamumunga. 

Kaya noong nagpa-renovate ng harapan ng bahay at ng mga bubong, naisipan ng tatay ko na putulin na lang ang punong ito. Dumaan din ang truck ng Meralco, pinuputol ang mga punong nakakahambalang sa mga linya ng kuryente; pero hindi man lang nila binawasan ang mga sanga nito.

Wari bang narinig ang plano ng pagputol, hayun, bigla na lang muling namulaklak ang puno sa taong ito. Makalipas ang ilang mga linggo matapos maubos ang mga bulaklak, napansin na lang ng kapatid ko ang dalawang bunga mula sa puno. 

ang bunga
Ang matagal-na-dumating at hindi-inaasahang bunga.


Naging paksa tuloy ng usap-usapan ang pamumunga ng durian. Ang buong pamilya, maging ang mga orihinal na pinagmulan nito sa Las Piñas, ay nag-uusap-usap na tungkol sa mga bungang ito. 

Sa nagdaang mga linggo, habang namumulaklak at namumunga na rin ang mga mangga, ang mga duhat, at maging ang mga chesa (sayang, sana ay may bunga na rin ang pinutol na avocado at bayabas), naroon ang mga durian, nakasabit sa matataas na sanga. 

Dumating ang init ng Abril, ang unang ulan ng Mayo, at ang unang bagyo ng Hunyo. Wala na ang mga bulaklak at bunga ng duhat, at nagpalit na ng dahon ang mga mangga. Pero naroon pa rin ang dalawang bunga ng durian, walang kakilus-kilos at hindi man lamang nilalapagan ng mga ibon. 


Paano malalaman / Kung kailan / Mahihinog ang durian?

Akyatin ko na nga ulit, subukang pisilin. Mahirap na, baka bumagsak pa. 

At siyempre, nasasabik na rin naman talaga kami. Siyempre, hindi naman pangkaraniwan ang mga prutas na ito sa lugar naming ito. 

Kung sabagay, matagal naman bago dumating ang hindi inaasahang mga regalong ito. Ano ba naman ang ilang linggo pang paghihintay. ■ 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...