Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga antropolohikal na pamana

Hindi ako mahilig noon sa mga museo. Parang kakatwa o corny para sa akin ang pamamasyal sa mga ito, na para lamang sa mga nerd o mga mananalaysay. At sigurado ako na hindi ako nag-iisa; marami sa mga kapanahon ko ang hindi naman na-expose sa ganitong mga yamang pangkultura. 


Dalawampu't pitong taon na ako nang una akong pumasok sa isang museo sa sarili kong pagkukusa. Isa akong postdoc noon, mag-isang naninirahan sa silangang Alemanya. Nagsawa na ako sa mga mall (aba, siyempre, bilang Pilipino ay ito ang natural na tambayan ko!) at Ikea, at nakakainip naman sa mga parke. Kaya hayun, matapos ang paglalakad-lakad sa labas ng mga baroque na gusali ng lunsod, ipinasiya kong pumasok sa loob. 


At doon nagsimula ang aking pagpapahalaga, pagkahilig pa nga, sa mga museo. Ang Dresden ay isang mayamang kaharian sa malaking bahagi ng kasaysayan nito, kaya pinuno ng mga duke nito ng kanilang mga koleksiyon ang mga museo ng lunsod. Sa buong dalawang taon ng paglagi ko sa Dresden, hindi lang siguro sampung ulit kong binalik-balikan ang mga displays sa lahat ng mga museo nito. 


Sa isang permanenteng display, makikita ang ilang mga bagay na kinolekta mula sa iba't-ibang bahagi ng mundo. Isang maliit na item mula sa Pilipinas ang nakita ko: isang piraso ng bao ng niyog na inukitan ng isang tagpo sa bukirin sa Pilipinas. Sa isang koleksiyon naman sa isang kastilyo sa baybayin ng Ilog Elbe, nabanggit ng isang kaibigan na may halamang gumamela mula sa Pilipinas sa botanikal na hardin (kaso lang ay hindi ko ito nakita dahil iniingatan ito sa ibang lugar noong taglamig). Para sa mga Europeo, malamang na nakakaakit sa pagkausisa ang gayong mga bagay mula sa noon ay mahirap-marating na parte ng mundo. Kahit pa nga ako, na isang Pilipino, ay natutuwa na makita ang mga bagay na ito sa kanilang mga display. 


Nang bumalik ako sa Pilipinas, muli na namang nawala ang pagkamanghang iyon sa mga museo. Nariyang dahil sa kawalan ng panahon, o ang pag-iisip na wala namang mga gayong karilag na mga koleksiyon sa Pilipinas. Inabot pang muli ng labindalawang taon bago ako makatuntong sa mga museo sa Maynila. Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nahahati na ngayon sa tatlong malalaking grupo ng mga koleksiyon: ang para sa Fine Arts, Anthropology, at Natural History. Sa isang biglaang staycation sa Maynila, pinuntahan naming pamilya ang unang dalawa. 


At sa dalawang ito, mas tumatak sa akin ang mga koleksiyon ng antropolohiya. Ito na kasi siguro ang hindi ko inaasahan. Matagal kong inisip na bibihira ang mga nag-survive na mga gawa ng mga sinaunang sibilisasyon ng Pilipinas. Siyempre, dahil sa kalagayan ng panahon at mga kalamidad, mas mahirap nga namang tumagal ang mga relikya, lalo pa ang mula sa mga nabubulok na materyales. Idagdag pa ang kolonisasyon at mga digmaan, kaya makatuwirang isipin na hindi na talaga maisasalba ang mga antropolohikal na pamanang ito. 


Totoo naman ito sa pangkalahatan; hindi siguro mabilang na mga kultural na bagay ang naiwala na ng bansa at nababasa na lang natin mula sa mga lumang salaysay. Kaya naman talagang nakakamangha na makita ang iilan na natira, nakatagal at ngayon ay nakapreserba sa mga museong ito. 






Ang itsura ng mga bagay na ito, kasama na ang mga sinunang paraan ng pagsulat at sining, ay nagpapaalala sa isang yugto ng panahon na, lalo na sa Pilipinas, malayung-malayo sa mga modernong mga kalagayan. Ipinapakita ng mga display na ito, at ng mga kuwento sa likod ng kanilang pagkatuklas, na may malawak na sistema at kultura ang mga sinaunang mga pamayanan na tumira sa ating mga lupain. Higit sa lahat, ipinapaalala nito ang ilang mga bagay na nagpapakilala sa atin bilang tao, anumang yugto ng kasaysayan tayo nabuhay. Ang pangangailangan na maging bahagi ng komunidad, makipagtalastasan, at magpahayag ng pagkamalikhain at pananampalataya sa isang Maylikha. Libu-libong taon man ang lumipas, ang pangunahing mga elementong ito ay kitang-kita pa rin sa mga tao mula sa anumang kultura at kalagayan. 


Hindi na siguro ako maghihintay ng ilang dekada bago muling makabisita (depende pa rin siyempre sa dami ng gawain o pagiging abala). Anuman ang kalagayan, babalik ako para higit pang magmasid at mamangha. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...