Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pinutol na avocado at bayabas

Kamakailan, may mga aktibidad sa loob ng subdivision. 

Ang homeowners association ay biglang naging aktibo sa pagpapatupad ng mga tuntunin sa mga kabahayan. Sabihin pa, kinailangan nila ng opisina para maging sentro ng gawain. Nagkataon namang hindi pa natitirhan ang mga bahay na naitayo sa tapat namin. Instant office! At para maging maalwan ang kanilang parking, hinawan nila ang espasyo sa aming pagitan. Ang casualty? Ang mga puno ng avocado at bayabas, hitik pa naman sa bulaklak ngayong magtatag-araw. 

Mga labindalawang taon na ang mga punong iyon, itinanim ni Papa sa noo’y mga putikan sa harap ng bahay. Nakailang siklo na rin ito ng pamumulaklak at pamumunga. Paborito ni Stacie ang matamis na hinog na bayabas, na ipinakikipag-agawan ng Lolo niya sa mga ibon na busug na busog din sa mga ito. Paborito naman ni Steph ang mga avocado, na bagamat nananatiling berde kahit hinog ay malinamnam pa rin at matamis ang laman. 

Pero noong nakaraang linggo? Pinutol ang mga iyon, wala mang permit, para bigyang-daan ang isang opisinang hiram. 

Pero pagdaan ko kahapon, tumambad sa akin ang isang nakatutuwang tagpo. 



Muling sumisibol ang berdeng mga dahon mula sa naiwang mga tuod at ugat. Sa gitna ng mainit na araw ng Marso sa kasagsagan ng El Niño, heto sila at berdeng-berde. Nariyang magulungan ng mga kotse at SUV, pero buhay na buhay pa rin, nakatayo at handang abutin ang langit. 

Ang naputol na avocado at bayabas ay isang mariing paglalarawan sa buhay sa pangkalahatan. Makailang ulit man tayong putulin ng mga is panlabas na puwersa, madalas ay wala man sa katuwiran, hindi nila maaalis ang mga bagay na di-nakikita, ang mga bagay na panloob. Gaya ng naiwang tuod at malalim na ugat, nasa atin ang lakas at kakayahan para muling sumibol, magdahon, kahit pa nga muling mamulaklak at mamunga. 

Para sa avocado at bayabas, nakaprograma ito sa kanilang kayarian, kaya’t mangyayari at mangyayari ito. Pero sa buhay natin, hindi ito laging awtomatiko, na para bang biglang sasagip sa atin gaya ng instinct. Kailangan natin itong piliin. 

Kaya hayo na, salubungin ang araw at abutin ang langit. Panahon na para sumibol at mapanariwa. • 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...