Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga tanawin mula sa opisina

 Tuwing Biyernes, maaga akong pumapasok sa opisina. 

Ayoko kasing naiipit sa trapiko. Lalo pa nga ngayon, na akinse ng buwan. Aba, kahit nga alas-kuwatro y media ako umalis, naipit pa rin ako sa C5 (may nasirang dalawang truck, na animo'y nakikisabay pa sa pagkaabala ng kalsada). 

Kaya kapag dumarating ako, hindi pa sumisikat ang araw. Gaya ngayon. 

tagpo mula sa opisina

Maliwanag na, pero wala pang gintong mga sinag sa paligid; alam mong maaga pa. 

Pero sa lokasyon ng opisina namin, kung saan napakaraming mga nagtatrabaho na nakabatay sa oras sa ibang bansa, para bang nawawalan na ng pagkakaiba ang maaga at ang huli na, ang mismong umaga at gabi. Habang sumisilip sa ibaba, nakikita ko ang maraming mga masisipag na mga trabahador; ang iba ay papauwi, kararating lang ng iba, at ang iba naman ay nasa kanilang coffee break. Hindi natutulog ang mga kalsada at establisyamento ng lunsod, habang mabilis na humuhugos ang mga tao. 

Napaupo ako ngayon sa isang walang-lamang opisina, gising sa dalawang baso ng kape. Binuksan ko ang laptop para magsimulang gumawa. 

opisina

Sa halip, binuksan ko ang blog na ito, na mga isang taon ko nang hindi nagagalaw. 

Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para ilarawan ang tagpo. Isang tagpo na sumapit sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay. Isang tagpo na hindi na mauulit. 

Siyempre, araw-araw pa rin akong papasok, iiwas sa matinding trapiko, magmamasid ng mga tanawin mula sa walang-laman kong opisina. Tiyak na hindi naman magkakalayo ang mga mamamasdan ko. 

Pero iuulat ko ang ngayon, isang testamento sa isang panahong naglagi ako sa opisinang ito sa ikapitong palapag, nagmasid at naalala ang kabilisan ng buhay, at nagpasiyang huminto sandali para magnilay-nilay. 

Uy, ito na pala ang araw. 

pagsikat ng araw

Okay na. Kailangan ko na ring magtrabaho. Tapos na ang paghinto sandali. Hindi humihinto ang buhay. ■ 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...