Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

tungkol sa mga pasyalang malapit lang

Matagal-tagal na rin kami sa lugar namin, kaya naging pangkaraniwan na lang ang mga tanawin.  Ang tahimik na mga gabi na malayo sa ingay ng sibilisasyon? Isa ito sa mga nakaakit sa amin sa pagtira sa bundok. Pero ngayon, hindi na namin ito nabibigyang-pansin man lang. Kami pa nga minsan ang bumabasag nito sa tulong ng Youtube Music at ng Netflix. Kung hindi pa kami i- chat ni Mama (na nasa katabing bahay), hindi pa namin malalaman na naririnig na ng buong barangay ang pinapanood namin sa telebisyon.  Ang mapunong mga tanawin, na may dalang sariwang simoy ng hangin? Muli, pangkaraniwan. Ang totoo, mas nagugulantang pa nga kami at hindi nagsasawang pagmasdan ang maitim na kaulapan ng smog  ng Maynila, na kitang-kita mula sa aming bintana.  Iyon pa nga pala: Ang mga tanawin ng lunsod , ang mga naglalakihang gusali na gumuguhit ng liku-likong abot-tanaw? Nakikita namin ito, pero hindi naman masyadong pinapahalagahan. Wala na ang unang pagkamangha na tinaglay namin nang ...

tungkol sa pamamasyal sa bundok at sa dagat

Buong buhay ko, halos nasa kabundukan lang ako nakatira. Mula sa Antipolo, at ngayon ay San Mateo, ang bahay ko ay laging mas mataas kaysa sa kapantayan ng dagat.  Ang totoo, ang mga lugar na tinirhan ko ay bahagi ng iisang kabundukan ng Sierra Madre. Gaya ng isang malaking dingding, wari bang hinahati nito ang hilagang bahagi ng isla ng Luzon sa silangan at kanluran.  Pero maparaan ang tao, at gagawan niya ng paraan ang anumang balakid na iniharap sa kaniya. Kaya maging ang masukal na mga kagubatan at mataas na lokasyon ng Sierra Madre ay hindi nakahadlang para makagawa ang mga inhinyero ng isang kalsadang tatagos sa mga bundok at magdurugtong pa rin sa kaliwa at sa kanan, ang kanluraning punong lunsod ng Kamaynilaan at ang silanganing mga baybayin ng Pasipiko. Isa sa mga ito ay ang sikat na daang kilala sa maraming pangalan: ang Marcos Highway (na kapangalan ng daang paakyat sa Baguio), o ang MARILAQUE (Marikina, Laguna, Quezon), o ang Marikina-Infanta Road (pinakadeskriptib...

tungkol sa mga tagas ng tubo, pag-iisip nang positibo, at pagiging produktibo

Patay na ang telebisyon at nakabihis na ng pantulog ang mag-ina nang bumaba ako mula sa opisina. Sa dami ng trabaho, hindi ko na namalayan na alas-diyes na pala. Balak ko sanang maligo, pero sinilip ko muna ang labas ng bahay para matiyak kung nakakandado na ang mga gate. Doon ko napansin ang malakas na agos ng tubig sa garahe. Nang taluntunin ko ang pinagmulan nito, aba, tumatagas - bumubulwak - na pala ang tubig sa linya namin sa labas. Nabutas pala ang tubo namin na kinain na ng kalawang.  Nagmadali kaming mag-asawa at ginising si Papa sa kabilang bahay. Gamit ang maso niya, winasak namin ang mga nakasementong bahagi ng harapan ng bahay, at hinukay ang lupa para matalunton ang pinagmumulan ng daloy. Sabihin pa, natuloy ang paliligo ko. Hindi nga lang sa shower sa banyo, kundi sa bulwak ng tumatagas na tubig sa labas. Nagpatulong din kami sa mga kapitbahay na namamahala sa mga konstruksiyon sa loob ng subdivision. Sa tulong nila, naisara namin nang kaunti ang main line ng tubig s...

tungkol sa sikat ng araw sa mga dahon

Mag-uumaga na; tamang-tama lang ang pagdating namin sa Sunken Garden, na nabalitaan naming bukas na para sa mga mananakbo at mga gustong mag-ehersisyo. Hindi naman kami tatakbo; maglalakad-lakad lang, para matagtag ang katawan nang kaunti. Ang totoo, mas inaabangan pa nga namin ang pagkain sa Rodics pagkatapos ng makailang pag-iikut-ikot.  Pero ang oras ng pagdating namin ay natapat naman sa pasimula ng pagsikat ng araw. Sa aming paglalakad, unti-unti nang lumiliwanag ang paligid mula sa mga butil ng gintong araw na tumatagos mula sa mga dahon. Hindi na lang tuloy paglalakad (at almusal) ang ginawa namin. Gamit ang mga cellphone camera (tig-dalawa kaming mag-asawa, at magkakaibang mga modelo at may-gawa pa), kumuha kami ng mga litrato ng mga kapaligiran, iniiwasan ang pailan-ilang mga mananakbo at mga pamilyang nahahagip ng frame.  Ang pagbubukang-liwayway sa Sunken Garden.   Ang tila isang dambuhalang alon ng liwanag ay binabasag ng mga dahon at sanga ng mayayabong na pu...

tungkol sa Closing Time

Kung babalikan ko ang grad school, ang isang salita na unang papasok sa isip ko ay videoke . Halata naman siguro; ilang beses na rin naman itong nabanggit sa blog na ito (at may entry pa akong tungkol lang dito). Siguro, dahil sa hirap ng sitwasyon, ito ang naging paraan ng malikhaing paglalabas ng niloloob para sa amin ng mga kasamahan ko.  At kung videoke lang din naman ang pag-uusapan, isang kanta na laging bumabalik sa isipan ang Closing Time ng bandang Semisonic. Ang awiting ito ay laging inilalagay sa machine kapag ilang minuto na lang at kailangan nang umalis. Tamang-tama kasi ang pamagat at ang nilalaman nito: tungkol ito sa isang tao (o grupo ng mga tao) na tila ba pinapaalis na ng tauhan ng isang papasara nang establisyamento.  Pero kamakailan (oo, dalawampu't tatlong taon matapos lumabas ang kanta at sampung taon pagkatapos ng artikulo — ganyan ako kahuli), nalaman kong ang kanta pala ay tungkol sa pagsilang, tungkol sa pagiging ama ng sumulat nito .  Madala...

tungkol sa palaruan sa kabilang ibayo ng ilog

  Sa maalamat na Republika ng Kabataan, nagtipun-tipon ang mga halal na kinatawan ng sangkabataan, mula sa Punong Ministro hanggang sa kaniyang gabinete at mga miyembro ng batasan. Napapaharap sila sa isang malaking pagpapasiya, isa na nasa kaibuturan ng interes ng bawat bata sa bansa.  Matagal naman na ang problema, pero ngayon pa lang nagkakaugong para mabigyan ito ng pagkilos. Ang siste, wala man lang palaruan sa buong republika. Wala! Sa nag-iisa pa namang bansa ng mga bata! Ang mga mamamayan ay nagkasiya na sa pagpaparoo't-parito sa mga kaparangan, pag-akyat sa mga puno sa kagubatan, o ang pagpapagulung-gulong sa mga parke. Pero isang palaruan? Wala, wala ni isa man.  Kaya nagpulong ngayon ang lahat ng mga opisyal para tuluyan nang sagutin ang hiling na ito ng bawat isa nilang nasasakupan. Nabuo na ang plano, sa totoo lang; sa pagtantiya nila, ito na marahil ang magiging pinakamalawak na palaruan sa buong mundo. Lamang ay walang mapagtayuan kung saan ito magkakasiya....

tungkol sa pagbuo ng mga bagay-bagay

 Mag-lolo nga talaga sila.  Sa loob ng bahay, abalang-abala ang apo sa paggawa ng palaruan para sa kaniyang mga laruan. Ito ang ideya niya ng slide , gamit ang magnetic tiles na binili ng Mommy niya.  Samantala, sa labas, ang lolo niya ay abalang-abala sa pagliliha sa kabinet na ilalagay namin sa kusina. Tumitigil siya kapag madilim na sa labas, saka winawalisan ang sahig sa labas at pinupunasan ang mga tabla.  May kakaibang saya talaga kapag nakakabuo ka ng mga bagay-bagay. Noong bata pa ako, naaalala kong bumibili si Mama ng mga tiles na katulad ng ginagamit ni Stacie ngayon (pero hindi nga lang  magnetic  kundi may pangkabit na mga plastik na edges ) mula sa Tupperware. Bumubuo kami ni Yeye ng mga laruan, at madalas akong gumagawa ng mga de-gulong na trak. Dahil nabanggit ang trak -- mahilig din akong bumuo ng mga landscape art (sa pananaw ko bilang bata), mga binuo mula sa mga bato at putik at madalas na may nakatanim ding mga halaman.  Pero noo...