tungkol sa palaruan sa kabilang ibayo ng ilog


 

Sa maalamat na Republika ng Kabataan, nagtipun-tipon ang mga halal na kinatawan ng sangkabataan, mula sa Punong Ministro hanggang sa kaniyang gabinete at mga miyembro ng batasan. Napapaharap sila sa isang malaking pagpapasiya, isa na nasa kaibuturan ng interes ng bawat bata sa bansa. 

Matagal naman na ang problema, pero ngayon pa lang nagkakaugong para mabigyan ito ng pagkilos. Ang siste, wala man lang palaruan sa buong republika. Wala! Sa nag-iisa pa namang bansa ng mga bata! Ang mga mamamayan ay nagkasiya na sa pagpaparoo't-parito sa mga kaparangan, pag-akyat sa mga puno sa kagubatan, o ang pagpapagulung-gulong sa mga parke. Pero isang palaruan? Wala, wala ni isa man. 

Kaya nagpulong ngayon ang lahat ng mga opisyal para tuluyan nang sagutin ang hiling na ito ng bawat isa nilang nasasakupan. Nabuo na ang plano, sa totoo lang; sa pagtantiya nila, ito na marahil ang magiging pinakamalawak na palaruan sa buong mundo. Lamang ay walang mapagtayuan kung saan ito magkakasiya. Maliban na lamang sa kabilang ibayo ng malawak na Ilog ng Pangamba. 

Ngayon, hindi naman sana ito problema, hindi ba? Maliban na lamang para sa mga mamamayan ng Republika. Alam kasi nila ang kasaysayan ng ilog, na malaon nang nakahabi sa kasaysayan mismo ng kanilang bansa. Hindi miminsan nang tinangay ng Ilog ng Pangamba ang mga bumangong komunidad sa mga pampang nito, bukod pa sa mga pailan-ilang mga tao, residente man o dayo, na kinitil ng mga agos nito. Ang totoo, ang ilog ang pangunahing dahilan kung bakit hindi umusad-usad ang proyekto ng palaruang ito. 

Hanggang ngayon. 

Taglay ang dunong ng mga matatalinong mga sakop, dinirinig ngayon ng buong pamahalaan ang mga plano para sa unang bahagi ng proyekto. Nakalkula na nila ang kailangan para makapagtayo ng tulay tungo sa kabilang ibayo ng Ilog ng Pangamba. 

Nagsalita ang mga pabor, at tinuos ang gastusin, na sa kanilang pagtaya ay napakaliit kung ihahambing sa malaking pakinabang na naghihintay. Nagsalita ang mga ayaw — buweno, ang totoo ay hindi naman talaga nila ayaw, kundi wari bang higit lamang ang takot nila; nais lang nilang higit na makasiguro. Nagpaikut-ikot ang mga argumento, kahit pa lahat naman sila ay iisa ang layunin. Mabuti na lamang at nagsalita na ang Punong Ministro, at iniharap na ito sa Pangulo: 

Itutuloy ang proyekto. 

Sabihin pa, umugong ang palakpakan sa loob ng bulwagan. Ang mga bulung-bulungan noon sa mga kalsada ay naging maiingay at sabik na mga huntahan. Bumilis ang pulso ng Republika nang maaprubahan ang matagal na nilang hinihintay at pinananabikan. 

Samantala, ang pangunahing pananagutan para mapasimulan ang proyekto ay ang isang kabataang inhinyero (oo, lahat sila ay bata, pero ang isang ito'y mas nakababatang bata). Maingat at mapanuri, nakita niya ang papel ng tulay para sa ikatatagumpay ng buong adhikaing ito ng bansa. Nang mabigyan sila ng utos para pasimulan ang trabaho, tinipon niya ang kaniyang mga kasamahan, ang ilan ay mas bata pa sa kaniya, para muling iguhit ang mga plano para sa tulay. Isang buong buwan ang ginugol nila para bumisita sa pampang ng ilog, sukatin ang bilis ng tubig, at magdisenyo ng isang matibay at malawak na tulay na magdurugtong sa magkabilang panig. Hindi pa ito nagawa noon, kaya lalo pa nga nilang kailangang magpakaingat. 

Ang totoo, sa kanilang disenyo, ginawa pa man din nilang kaakit-akit ang mismong tulay. Aba, maglalagay pa man din sila ng mga pamilihan at restawran sa gilid ng malalawak nitong mga daanan, na kaparis pa man din ng Rialto ng Venezia! At ang mga pundasyon nito ay talagang magiging matitibay, at may disenyong gaya ng mga aqueduct ng Roma! 

Pero matapos ang lahat ng mga bagay na ito, nang iharap nila ang plano sa mga awtoridad, nakarinig sila ng mga salitang mula sa pagtatanong hanggang sa pagkairita. Kesyo hindi umano ito ang plano, at hindi para dito nakalaan ang pera. Kesyo kailangan naman umano ng tibay, pero hindi na kailangan ang ganda. Kesyo ang tulay ay ang daan, hindi ang patutunguhan. 

Palaruan. Huwag umanong kalimutan ang layunin nitong lahat. Ang palaruan. 

Ipinabalik ang orihinal na disenyo ng tulay, na matibay rin naman kung tutuusin pero hindi na kakailanganin ng malaki-laking pondo at matagal-tagal na gawain. Isang buwan lang din ang kinailangan para maitatag ang tulay. Mas nasabik pa ang lahat nang makita nilang maging abala ito sa pagpapabalik-balik ng mga trabahador at mekanismo, na unti-unting binubuo ang palaruang matagal na nilang pangarap. 

Samantala, ang batang inhinyero ay naging isang tampulan ng mga puna ng mga politiko. Ang mismong ministro ng kaniyang distrito ay kumausap sa mga nakatataas sa pamahalaan para unti-unting tanggalin sa kaniya ang trabaho. At hindi ito palihim; harap-harapan ang atake at pamumuna. Sa takot para sa kanilang trabaho, ang marami mula sa orihinal niyang grupo ay dumistansiya sa kaniya at nagpalipat sa ibang aspketo ng trabaho. Kung tutuusin, ang sabi nila, ang palaruan naman talaga ang dahilan ng kanilang pagsali sa malaking proyektong ito; hindi ang tulay. 

At bandang huli, ang batang inhinyero at ang kaniyang mga natirang kasama ay tuluyan nang inalis sa proyekto. 

Samantala, ang paggawa sa palaruan ay nagpapatuloy. Ang totoo, ang orihinal na plano, na malaki na kung tutuusin, ay napalitan din sa ilang bahagi nito upang maging mas en grande pa. Ang noon ay isang simpleng toreng akyatan patungo sa padulasan, ngayon ay isa nang kastilyong ipinareha sa Neuschwannstein ng Alemanya! Ang dating mga debuhong hayop na paglalagyan sa loob ng mga bola, ay ginawa nang mga spa, karaoke, o bowling alleys na may iba't-ibang tema! Nagpasa ng panibagong badyet ang pamahalaan nang sumunod na taon, at nang sumunod pa, at hanggang sa ikatlo at ikaapat na taon. Nabawasan man ang pondo para sa ibang bagay, pero naroon na ang buong bansa; sino ba naman ang hindi mapapahanga sa pagiging totoo ng isang bagay na dati ay pangarap lang nila? 

Sa wakas, nagbukas ang mga pintuan ng palaruan sa publiko. 

Sa kaniyang pahayag, ang bagong pangulo (ang dating ministro ng distrito ng inhinyero!) ay nagpasalamat sa lahat ng nagsikap para maabot nila ang kanilang pangarap. Sa araw na iyon — matapos ang mahabang panahon ng kanilang kasaysayan — nagkaroon na ng palaruan ang Republika ng Kabataan. Hindi na sila magiging katatawanan. Hindi na sila matatakot. Taglay na nila ang mga pasilidad na magpapakilala sa kanila bilang mga bata. 

Sabihin pa, humugos ang mga tao (oo, ang mga mamamayang bata) sa araw na iyon ng pagbubukas. Marami ang hindi nakapasok; tumawid pa sa tulay ang pila ng mga parokyano. Tila ba mas dumami pa nang sumunod na araw. At nang sumunod. Masaya ang lahat sa naging produkto ng matagal na pagtatrabaho! Hindi magkamayaw ang dami ng tao, anupat nagpanukala pa ng batas para magkaroon ng halinhinan sa paggamit ng mga palaruan. Mabilisan pa ngang nagpakabit ng malalakas na pailaw sa buong pasilidad para mapagbigyan ang karamihan; iniurong hanggang sa ikasiyam ng gabi ang oras ng pagsasara. 

Mabuti na lamang at hanggang doon na lamang. Sapagkat isang gabi, niyanig ng isang malakas na lindol ang bansa, doon pa man din mismo malapit sa palaruan. Nasira ang ilang bahagi nito, gaya ng mga patulis na bubong ng kastilyoat ang ilang mga poste ng ilaw. Pero dahil sa lakas ng lindol wari bang nailihis rin ang takbo ng Ilog ng Pangamba. Ang dating malakas na agos ay isa na lamang mababaw na batis. 

Nagpasalamat ang mga tao nang makitang buo pa rin ang kanilang palaruan. Bumuhos ang mga donasyon at boluntaryo para sa pagkukumpuni. Aba, ang muling-naitayong mga bantayog ay waring mas maganda pa nga kaysa sa mga nauna bago ang lindol! 

Pero dahil sa bumabaw na ilog, walang nagbigay-pansin sa istraktura ng tulay (Ang iba pa nga ay sumisingit sa pila patungo sa palaruan sa pamamagitan ng pagtawid sa ngayo'y mababaw nang ilog!). Gaya ng kanilang mga pinuno noon, ang pananaw ng mga tao ay nakapokus. 

Palaruan. Hindi nila kinakalimutan ang pinakamalahaga sa lahat. Ang palaruan. 

Hanggang sa isang gabi, isang malakas na bagyo ang kagyat na tumama sa Republika, dala ang napakalakas na mga ulan. Muling umapaw ang ilog, waring nabuhay, at muling tumakbo ang malakas na mga hugos sa dati nitong daanan. Tinangay nito ang tulay, na ang mga pundasyon ay pinahina ng lindol. 

Paggising ng mga tao sa kinaumagahan, mas lumaki pa ang ilog sa dati nitong sukat, na nilalamon na ngayon ang dating mga pampang. Binaha ang mga sirkito ng elektrisidad ng palaruan, pero wala silang magawa. 

Hanggang sa mga araw na ito, malungkot na tinatanaw ng mga mamamayan ang kanilang malaking proyekto sa kabila ng ilog. Naroon pa rin ang paghanga, pero lahat ng iyon sa mga balik-tanaw na lamang sa masayang nakaraan. 

Nagpaplano naman umano ang mga awtoridad ng bagong tulay, pero hindi ito maisa-penal dahil sa patuloy na paglaki at pagkati ng Ilog ng Pangamba; talagang binago ng lindol ang mga daluyong nito. Hindi na kasama sa pagpaplano ang inhinyero (hindi na siya gayon kabata), pero sa tantiya niya, kaunti lang sana ang naging problema kung pinataas, pinatibay, at pinalapad na ang tulay gaya ng plano nila noon; o kaya naman ay kung pinatibay na ito matapos ang lindol. Sa kaniyang pagtaya, kung matapos man ang bagong tulay, huli na ang lahat para sa palaruan. Kailangan na muling magtayo ng panibago. ■

Mga Komento

Kilalang Mga Post