Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa sikat ng araw sa mga dahon

Mag-uumaga na; tamang-tama lang ang pagdating namin sa Sunken Garden, na nabalitaan naming bukas na para sa mga mananakbo at mga gustong mag-ehersisyo. Hindi naman kami tatakbo; maglalakad-lakad lang, para matagtag ang katawan nang kaunti. Ang totoo, mas inaabangan pa nga namin ang pagkain sa Rodics pagkatapos ng makailang pag-iikut-ikot. 

Pero ang oras ng pagdating namin ay natapat naman sa pasimula ng pagsikat ng araw. Sa aming paglalakad, unti-unti nang lumiliwanag ang paligid mula sa mga butil ng gintong araw na tumatagos mula sa mga dahon. Hindi na lang tuloy paglalakad (at almusal) ang ginawa namin. Gamit ang mga cellphone camera (tig-dalawa kaming mag-asawa, at magkakaibang mga modelo at may-gawa pa), kumuha kami ng mga litrato ng mga kapaligiran, iniiwasan ang pailan-ilang mga mananakbo at mga pamilyang nahahagip ng frame. 

Bukang-liwayway
Ang pagbubukang-liwayway sa Sunken Garden.

 

Ang tila isang dambuhalang alon ng liwanag ay binabasag ng mga dahon at sanga ng mayayabong na punungkahoy, na nagdudulot ng malilit na batik-batik ng liwanag at anino. Dahil rito, nakatatagos pa rin ang liwanag, nakakarating sa mga gutom na dahon ng maliliit na halaman sa ibaba. Nakakatanggap rin ng liwanag maging ang damuhan sa pinakasahig ng lupa sa ibaba.

Liwanag at anino
Nagpapalitang mga hanay ng liwanag at anino sa ibaba


Ang sabi ng tatay ko, ang gayong proseso ay kailangan pa man din ng ibang mga halaman. Halimbawa, aniya, ang mga puno ng kakaw (na pinagmumulan ng tsokolate) ay hindi raw mabubuhay kung hindi sa lilim ng mas malalaking punungkahoy. Kapag ito ay nakahantad sa direktang init ng araw, alinman sa hindi ito mabubuhay o hindi magbubunga. 

Sabihin pa, hindi naman mabubuhay ang mas maliliit na halamang iyon sa ilalim ng mas matatangkad na puno kung hindi makakarating sa kanila ang sikat ng araw. Lahat naman sila — anumang uri, taas, kulay ng dahon, at iba pa — ay nangangailangan ng liwanag ng araw para makagawa ng pagkain. Mula pa sa elementarya ay itinuturo na ito ng mga guro, at alam na alam ito ng mga kabataan bilang ang proseso ng photosynthesis. Na nagbibigay ng pagkain sa halaman (at sa hayop at sa tao). Na kumukuha ng karbon mula sa atmospera. Na nagbibigay ng kinakailangang oksiheno (ng mga hayop at mga tao).

Maliliit na halaman
Nakararating ang araw maging sa maliliit na halaman sa ibaba.


Kaya nakakamangha ring tingnan ang pagkakaayos ng mga dahon ng malalaking kahoy sa paligid. Sa pagtingala ko, nakita kong ang isang pagkalaki-laking puno — acacia yata ang mga nakapaligid sa Academic Oval — ay binubuo ng pagkaliliit na mga dahon na maayos na isinalansan, na para bang sinadyang ilagay sa kani-kanilang hanay para sa layuning HUWAG sarilinin ang pagsikat ng liwanag sa bawat umaga. Kung titingnan mula sa ibaba, wari bang inilagay sila sa kani-kanilang mga pulo, na ang mga pagitan ay tulad ng malalapad na ilog. Na sa halip na magpaagos ng tubig ay nagpapatagos ng liwanag.

Mga isla at ilog
Mga isla ng mga dahon at mga ilog ng liwanag

 

Pwede naman sanang samantalahin ng malalaking mga punungkahoy ang kanilang tugatog para sarilinin ang ilaw, anupat gumawa ng kumpol ng pagkayayabong na mga dahon na hindi magpapatagos ng liwanag sa ibaba. At tiyak na may gayong aspekto naman talaga na nasasangkot; naaalala ko pa ang thesis noon ng isang kasamahan namin sa laboratoryo na nag-model kung paano hubugin ng kompetisyon para sa liwanag ang sistema ng mga sanga at dahon. Pero maging sa napakakapal na mga kagubatan, nakatatagos ang liwanag patungo sa sahig nito, na bumubuhay sa iba pang mga halaman at kinapal. Sa katapus-tapusan, ang kompetisyon ay hindi nagiging hindi balanse; ang nagbibigay-buhay na sikat ng araw ay nakararating sa lahat. 




Natapos na namin ang pag-iikot at pagmamasid; tuwang-tuwa kami (lalo na ang bata) sa mga kulay at tunog sa paligid. Kaya ipinasiya na naming umalis sa Oval at maglakad pauwi sa condo. Siyempre, dadaan kami sa Rodics, ang isa pang dahilan (baka nga ang pangunahin) kung bakit kami naparito. 

Matagal na pumila si Steph sa pagbili, habang nagkukuwento naman si Stacie sa tabi ko sa isang gilid. Pero hindi ko napapansin ang tagal ng serbisyo (ang daming bikers!). Hindi ko na rin halos naiintindihan ang mga sinasabi ng anak ko. Tumatak sa isip ko ang aral mula sa sikat ng araw sa mga dahon. Pero hindi ko maalala ang nauugnay na parirala. 

Nakabalik na ang asawa ko nang biglang bumalik ito sa isipan (dahil kaya sa amoy ng tapa at bacon?). 

“Trickle down. Trickle down.” 

Marami pa rin talaga tayong matututunan sa kalikasan, sa totoo lang. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.