tungkol sa Closing Time

Kung babalikan ko ang grad school, ang isang salita na unang papasok sa isip ko ay videoke. Halata naman siguro; ilang beses na rin naman itong nabanggit sa blog na ito (at may entry pa akong tungkol lang dito). Siguro, dahil sa hirap ng sitwasyon, ito ang naging paraan ng malikhaing paglalabas ng niloloob para sa amin ng mga kasamahan ko. 

At kung videoke lang din naman ang pag-uusapan, isang kanta na laging bumabalik sa isipan ang Closing Time ng bandang Semisonic. Ang awiting ito ay laging inilalagay sa machine kapag ilang minuto na lang at kailangan nang umalis. Tamang-tama kasi ang pamagat at ang nilalaman nito: tungkol ito sa isang tao (o grupo ng mga tao) na tila ba pinapaalis na ng tauhan ng isang papasara nang establisyamento. 

Pero kamakailan (oo, dalawampu't tatlong taon matapos lumabas ang kanta at sampung taon pagkatapos ng artikulo — ganyan ako kahuli), nalaman kong ang kanta pala ay tungkol sa pagsilang, tungkol sa pagiging ama ng sumulat nito.  Madalas na iniuugnay ang pagsilang sa paglaya, isang bagong pasimula, ang panimula ng buhay. Pero binaliktad ng awiting ito ang punto-de-vista: ang pagsilang ay naging pag-alis, isang pagtatapos. 

Sanggol
Ang pagsilang ng isang sanggol ay pasimula ng kaniyang pagsasarili, pero pagtatapos naman ng yugto ng proteksiyon ng sinapupunan.


Ang isang sanggol ay nasa isang ligtas na dako sa panahon ng pagbubuntis. Ito rin ang panahon na siya ay pinakamalapit (literal at makasagisag) sa kaniyang ina. Pero magtatapos ito; gagawa ng paraan ang mismong katawan ng kaniyang ina na palabasin siya, gaya ng isang bouncer sa bar sa huling mga parokyano. Ito man ay masakit at napakadelikado. 

Ito ang pasimula ng marami pang pamamaalam at pagtatapos. At ng pagbuo at pagsisimula na kaakibat nito. Si Seneca pala ang unang nagsabi ng matulaing mga linya ng kanta: 

Every new beginning comes from some other beginning's end 

 

Ipinaalala ko ito sa sarili ko, habang dumaraan din ako sa maraming yugto rin ng pagtatapos at pagpapanimula. Masakit man o matagal ang proseso, kailangan talaga itong pagdaanan. 

Hindi man na ako nagkakaroon ng panahon para sa videoke, aawitin ko na lang sa sarili ang Closing Time, magtitiwala na mapapalakas ako nito para sa pagtahak sa isa na namang new beginning habang unti-unting binibitawan ang some other beginning's end. ■ 


Mga Komento

Kilalang Mga Post