Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga tagas ng tubo, pag-iisip nang positibo, at pagiging produktibo

Patay na ang telebisyon at nakabihis na ng pantulog ang mag-ina nang bumaba ako mula sa opisina. Sa dami ng trabaho, hindi ko na namalayan na alas-diyes na pala.

Balak ko sanang maligo, pero sinilip ko muna ang labas ng bahay para matiyak kung nakakandado na ang mga gate. Doon ko napansin ang malakas na agos ng tubig sa garahe. Nang taluntunin ko ang pinagmulan nito, aba, tumatagas - bumubulwak - na pala ang tubig sa linya namin sa labas. Nabutas pala ang tubo namin na kinain na ng kalawang. 

Tagas



Nagmadali kaming mag-asawa at ginising si Papa sa kabilang bahay. Gamit ang maso niya, winasak namin ang mga nakasementong bahagi ng harapan ng bahay, at hinukay ang lupa para matalunton ang pinagmumulan ng daloy.

Sabihin pa, natuloy ang paliligo ko. Hindi nga lang sa shower sa banyo, kundi sa bulwak ng tumatagas na tubig sa labas.

Nagpatulong din kami sa mga kapitbahay na namamahala sa mga konstruksiyon sa loob ng subdivision. Sa tulong nila, naisara namin nang kaunti ang main line ng tubig sa kalsada namin. Mabuti na lang at maghahatinggabi; wala na sigurong gumagamit ng tubig sa mga kapitbahay. Pansamantalang pinasakan ang bukas na tubo at mahigpit na sinelyuhan ito nang pansamantala. Para sa gabing iyon.

Ang totoo, umaga na pala. Malapit nang mag-ala-una noon.

Nabuksan na rin ang main valve, at hindi naman tumagas muli ang may-pasak na tubo. Umalis na ang mga tauhan ng subdivision. Umuwi na rin si Papa.

Samantala, itinuloy ko na ang naantalang paliligo (mabuti na lang at walang problema ang kabilang linya). Habang palabas, naabutan ko ring natapos na ang paglalaba sa washing machine, kaya itinuloy ko na ang pagsasampay sa mga ito.

Pero hindi pa rin ako inaantok. Mabuti na lamang at bumaba si Steph. Habang kumakain ng midnight snack, napag-usapan pa namin ang meal plan para sa susunod na mga linggo.

Ganun naman yata talaga. Ang di-inaasahang mga panggulat ng pagkakataon, gaya ng pumutok na tubong iyon, ay nakakainis, mga malaking pang-abala kung tutuusin. Pero sa ganitong mga pagkakataon, saka naman tayo bibigyan ng katawan natin ng lakas at adrenaline rush na kailangan natin. At sa lakas na iyon, magagawa natin ang maraming mga bagay, bukod pa sa paglutas sa mismong problema. Kung positibo tayo sa pagharap nito, siguradong magiging produktibo rin tayo. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.