tungkol sa pagbuo ng mga bagay-bagay

 Mag-lolo nga talaga sila. 


Sa loob ng bahay, abalang-abala ang apo sa paggawa ng palaruan para sa kaniyang mga laruan. Ito ang ideya niya ng slide, gamit ang magnetic tiles na binili ng Mommy niya. 



Samantala, sa labas, ang lolo niya ay abalang-abala sa pagliliha sa kabinet na ilalagay namin sa kusina. Tumitigil siya kapag madilim na sa labas, saka winawalisan ang sahig sa labas at pinupunasan ang mga tabla. 



May kakaibang saya talaga kapag nakakabuo ka ng mga bagay-bagay. Noong bata pa ako, naaalala kong bumibili si Mama ng mga tiles na katulad ng ginagamit ni Stacie ngayon (pero hindi nga lang magnetic kundi may pangkabit na mga plastik na edges) mula sa Tupperware. Bumubuo kami ni Yeye ng mga laruan, at madalas akong gumagawa ng mga de-gulong na trak. Dahil nabanggit ang trak -- mahilig din akong bumuo ng mga landscape art (sa pananaw ko bilang bata), mga binuo mula sa mga bato at putik at madalas na may nakatanim ding mga halaman. 

Pero noon pa man, si Papa na talaga ang batayan sa pagbuo at paglikha. Ang mga laruan kong espada at kris, na may kasamang kalasag, gayundin ang kabayo, at maging mga gumugulong na lata (mahilig talaga ako sa maliliit na trak) ay ilan lang sa mga gawa niya, na kakaiba at natatangi kung ihahambing sa mga kalaro ko noon na binili lang nila at gawa sa plastik. Bukod sa maliliit na laruang ito, ginawan pa nga niya kami ng aktuwal na bahay-bahayan, at maraming mga tree houses

Sinasabi nilang ang pagiging malikhain sa gayong mga bagay ay nakakatulong para mahubog ang kakayahan ng isang bata sa buhay. Marami akong kilalang mga siyentista na nagsimulang magkainteres sa ganitong larangan sa pamamagitan ng mga pagkalikot sa mga laruan o radyo sa bahay na nasira. Tiyak na naihanda sila nito sa paghahanap ng mga solusyon sa mga problema -- minsan pa nga ay sa pinakamalikhaing mga paraan. Hindi man ako ang aktuwal na gumagawa ng mga malalaking laruan at bahay-bahayan noon, gayon din ang naitanim na ideya sa akin, kaya rin siguro sa teknikal na mga larangan ako nagpunta ngayon. Mabuti na lang din at nagkakaroon ng pagkakataon ang anak ko na maranasan din ang saya ng paggawa ng kung anu-ano mula sa kaniyang kaisipan. 


Sa ngayon, hindi man aktuwal na materyal na mga bagay ang binubuo ko, sa tingin ko ay nakakatulad pa rin ang mental na proseso na kinakailangan kong daanan sa paggawa ng siyentipikong pananaliksik. Madalas na hindi na pisikal na bagay ang kinakailangang buuin, kundi isang istorya, isang paliwanag, isang tagpo. Kailangan pa rin ng pagkamalikhain at aktuwal na pagtatrabaho. At siyempre, masaya pa rin kapag natapos ito. 


Mga Komento

Kilalang Mga Post