tungkol sa pagmamaneho para bumili ng pagkain nang gabing-gabi
Paisa-isa nang nagsasara ang mga pamilihan at restawran. Makikita mo ang mga huling empleyado na ikinakandado ang panlabas na halang. Ang iba ay hinihintay ng kanilang sundo, ng kanilang asawa, na nakaparada ang motorsiklo sa gilid ng kalsada.
Pero hindi pa naman talaga malalim ang gabi. Kung tutuusin, ang mga establisamiyentong ito ay bukas hanggang madaling-araw, ang iba'y hanggang magdamag pa nga. Kaya ano ang alas-diyes kung ihahambing sa dating oras ng pagsasara na iyon? Kung ang pagbabatayan ay ang mga kalagayan noon, tila ba maaga pa ang alas-diyes o alas-onse pa nga.
Pero hindi na parehas ang mga kalagayan noon at ngayon. Ngayon, ang banta ng epidemyang mabilis na kumalat ay nagpabago, nagtiwarik, wika nga, sa tibok ng pulso ng matandang Maynila. Ang dating di natutulog na lunsod ay napilitang huminto, magpahinga, at magtago. Ang di magkamayaw na buhos ng mga tao, sasakyan, at serbisyo, gaya ng mga selula ng dugo na noon ay mabilis na pumapaikot, ay bumagal, wari bang tulog, na naging dahilan ng anemia at kawalang-sigla sa buong palibot.
Mabuti na lamang at may pailan-ilang mga lugar na bukas pa rin 24 oras. At ito — ito ang pakay namin ngayong gabi.
Alam naming hindi nagsasara ang drive-thru ng McDo sa malapit. Nariyan din ang 7-11 na 24-7. Kaya naman pagkatapos ng pulong ngayong gabi, agad kaming sumakay sa kotse at tinahak ang tahimik na mga daang pababa tungo sa bayan. Habang daan, mga sasakyang paakyat sa aming lugar ang nasasalubong namin, lulan marahil ang pagod na mga manggagawa mula sa nagsipagsara nang mga tanggapan at pamilihan. Habang kami, hayun! Umaawit sa sasakyan habang tinutunton ang ngayo'y matahimik nang mga lansangan ng kabihasnan.
Pagsapit sa destinasyon, inabutan namin ang pila ng mga sasakyan sa pag-order sa drive thru. Matapos maghintay ng ilang saglit, napatapat na rin kami sa window ng pagkuha ng pagkain; at doon, kitang kita namin ang mga kawani ng McDo na bagong pasok, masiglang ginagawang umaga ang gabi para maserbisyuhan ang marami nilang parokyano.
Sa pagparada naman namin sa tabi para bumili ng ilang pangangailangan, matagal din naming hinintay si Steph na makabalik sa kotse para bumili sa 7-11. Mula sa labas, nakikita naming marami ring tao na dumadaan para bumili nang paisa-isang mga bagay mula sa tanging bukas na tindahang iyon.
Hindi naman namin laging ginagawa ito (bilang pag-iingat na rin sa kalusugan). Pero nang gabing iyon, personal kong naramdaman ang pangangailangang magmaneho para bumili ng pagkain, kahit pa gabing-gabi.
Siguro, binawasan nito ang pangungulila sa nagdaang mga panahon, nang maituturing pang normal ang mga bagay-bagay. Gaya ng anemic na lunsod, ang pananatili sa bahay ay unti-unti ring nagpapabagal, nagpapawala ng gana, sa akin. Sa amin. Siguro, kinailangan namin ang biyaheng ito para maging malinaw sa amin na nagpapatuloy pa rin ang buhay kahit sa gitna ng malalaking pagbabago sa mga kalagayan.
Gabing-gabi na kami umuwi (siyempre pa), bagamat hindi naman halos lumampas ng isang oras ang mga ginawa namin. Umaawit pa rin kami sa kotse kahit malapit nang maghating-gabi. Noon, ang ganitong mga biyahe (lalo na sa akin, habang pauwi sa trabaho) ay nakakabagot at nakakaantok. Pero ngayon, hindi, hindi pa kami makatulog. Dahil na rin siguro sa french fries at Coke.
Pero mas malaking bahagi siguro ang muling pagkadama ng kalayaan at normalidad matapos ang matagal na animo'y pagkakulong. Totoo, mabibilang sa daliri ang mga negosyong bukas, at dalawa nga lang ang pinuntahan namin; pero isa ito sa pinakamasayang paglalakbay namin nitong kamakailan. ■
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento