Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagtawag sa pamilya

Matagal na rin akong hindi nakakapangumusta sa pamilya ko sa Pilipinas.

Siyempre pa, nakakausap ko naman araw-araw (halos) si Steph. Pero ang mga magulang at kapatid ko ay lagi ring wala sa bahay, at kung nasa bahay man ay mabagal ang koneksiyon sa Internet. Bukod pa diyan, dahil sa DST, may eksaktong anim na oras na pagitan ang aming mga orasan: tulog pa ako sa tanghalian nila, nasa trabaho ako sa hapon at gabi nila, at makakauwi ako ng bahay nang madaling-araw nila.

Pero nitong isang Sabado kamakailan, naabutan ko ang ate ko, at sumunod ang walang patumanggang pakikipagkulitan sa mga pamangkin.



Sa sobrang tagal na naming hindi nagkausap, nakakalimutan na nila ang mga naikuwento nila sa akin. Noon nga, sa tuwing tumatawag ako, laging ipinagmamalaki sa akin ng bunsong si Noah ang kanilang “bagong” inflatable pool; sabi ko: “Ayos na pool yan a, di naluluma!” Nitong mga nakaraan naman, laging ipinagmamalaki nila sa akin ang mga “bagong” kantang natutunan nila; ang larawang iyan mula sa itaas ay kuha noong ang pamangkin ko ay bumibirit ng “Dadalhin” ni Regine Velasquez.

Sabihin pa, ang mga pakikipag-usap na iyon, bagamat hindi na madalas, ay laging dumarating sa tamang panahon. Naging mahirap ang mga kalagayan ko rito nitong mga nakaraang linggo dahil nagkasabay-sabay ang pagod mula sa mga paglalakbay at ang lungkot mula sa mga negatibong mga pangyayari at balita. Sa paanuman, kapag nasa gayong mahirap na mga kalagayan, laging dumarating ang tulong. Sa pagkakataong ito, sa anyo ng mga madramang awitin ng bulol kong pamangkin. ●

Mga Komento

  1. Hello po Tito Rene! Daphne po ito. Natatawa lang po ako kapag naaalala ang pagbirit ni Noah. Si-nearch ko lang po ang pangalan ni ate Kyla at nahanap ang web niyo po. Ang ganda po ng inyong mga paliwanag sa bawat kuwento dito at lalo nasa tungkol Sa Kawayan at Niyog

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.