tungkol sa mga lumang gusali at bagong kamera

Nitong nakaraang dulong sanlinggo, nagpasiya akong gawin ang isang bagay na matagal ko nang hindi nagagawa: ang maglakad-lakad nang walang destinasyon, walang tiyak na patutunguhan, habang nagmamasid sa makasaysayang mga bahagi ng lunsod.

Ang Semper Opera sa Theaterplatz

Wala lang, maganda lang talaga siguro ang panahon; nagpapang-abot na ang liwanag ng tag-init at ang lamig ng taglagas. Siguro ay gusto ko lang ding kumawala sa pagkapaulit-ulit ng buhay nitong nakaraang mga linggo; gusto ko namang lumayo mula sa aking mesa at panandaliang kalimutan ang pagsusulat ng kung anu-anong mga papel.

O baka naman gusto ko lang ipasyal ang bagong kamera ko.

Di gaya ng kaniyang sinundan, hindi pa namamasdan ng bago kong kamera ang mga tanyag na lugar ng Dresden. Gaya ng isang ama na biglang nagkaroon ng isang bunso, bumabalik sa isipan ko ang pananabik, bagamat sawang-sawa na kung tutuusin ang mata ko sa pagsulyap sa mga tagpong iyon. Parang masisipat kong muli ang tanyag na mga kastilyo ng Dresden mula sa isang kakaibang lente...

... ah, teka lang. Hindi pala parang. Literal ko pala silang masisilip at makukunan ng imahe.

*****

Habang naghahanda bago umalis at nakasulyap sa labas ng bintana, napag-isip-isip ko ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagpapahalaga sa (appreciation for) at ng halaga ng (value) mga bagay. Ang mga gusali ng Dresden ay mahahalagang bantayog na naging simbolo na ng pagbangon mula sa mga guho ng digmaan, at ng pagkakaisa ng dating magkakalaban. Ang halaga nito ay hindi nababawasan, at baka nga nadadagdagan pa nga sa pagdaan ng panahon. Gayon pa rin ang halaga nito bisitahin ko man ito o hindi; sa totoo lang, gayon pa rin ang halaga nito umiral man ako o hindi. Ang nagbago ay ang pagpapahalaga ko rito. Sa paulit-ulit na pagbisita, naging pangkaraniwan na lang para sa akin ang mga bagay na dinarayo ng mga turista at ninanais pang mapuntahan ng maraming iba pa. Kinailangan ko pang idahilan ang bago kong kamera para muling bisitahin ang mga bagay na pinanggilalasan ko noon.

Habang naglalakad, napag-isip-isip ko na ang negatibong epekto ng pag-uulit-ulit ay masusumpungan sa lahat ng aspekto ng buhay. Ang lapis na paulit-ulit na ginagamit ay pumupurol. Ang pagkain, kahit pa kasing-sarap ng lechon, kapag inuulit-ulit, ay nakakasawa.

At ang pinakamasakit, ang mga taong laging nandiyan para sa atin ay nakakalimutan na nating pahalagahan; familiarity breeds contempt, ang sabi nga nila.

Habang nakatayo at kinukunan ng larawan ang lumang bahagi ng lunsod (at ang pagkarami-raming mga taong nakahambalang sa kuha ko), napag-isip-isip kong kailangan ng isang bagong gamit, bagong pamamaraan, para remedyuhan ang problema. Kinailangan ko ng bagong kamera upang magka-interes muli sa mga lumang gusali. Kailangan ng pantasa para sa lapis na pumurol. Kailangan ng bagong timpla para ang lechon ay maging lechong paksiw at pumatok muli sa hapag-kainan.

At, para sa mga taong mahalaga sa atin, kailangan din ng bagong lente, isang bagong pananaw. Ang sabi nga nila, kapag mahal mo ang isang tao, mahal mo ang lahat ng aspekto niya, maging ang kaliit-liitan. Sa bawat araw (o kahit pa nga bawat sandali), lagi at lagi tayong may mahahanap na isang aspekto, kahit pa negatibo, na nagpapa-iba sa mga taong iyon, na nagpapalapit sa atin sa kanila.

*****

Gaya ng ipinapakita ng larawan sa itaas, ang dati kong itinuturing na basta mga lumang mga gusali ay naging magarbong mga kastilyo at malikhaing gawang-sining dahil sa malinaw na kuha ng bagong kamera.

Gayundin, ang mga taong laging nariyan para sa atin ay magiging mga pinakamahahalaga nating pag-aari, kapag sinimulan natin silang sipatin nang may higit at higit pang pagpapahalaga. ● 

Mga Komento

Kilalang Mga Post