tungkol sa pagtawag sa pamilya

Matagal na rin akong hindi nakakapangumusta sa pamilya ko sa Pilipinas.

Siyempre pa, nakakausap ko naman araw-araw (halos) si Steph. Pero ang mga magulang at kapatid ko ay lagi ring wala sa bahay, at kung nasa bahay man ay mabagal ang koneksiyon sa Internet. Bukod pa diyan, dahil sa DST, may eksaktong anim na oras na pagitan ang aming mga orasan: tulog pa ako sa tanghalian nila, nasa trabaho ako sa hapon at gabi nila, at makakauwi ako ng bahay nang madaling-araw nila.

Pero nitong isang Sabado kamakailan, naabutan ko ang ate ko, at sumunod ang walang patumanggang pakikipagkulitan sa mga pamangkin.



Sa sobrang tagal na naming hindi nagkausap, nakakalimutan na nila ang mga naikuwento nila sa akin. Noon nga, sa tuwing tumatawag ako, laging ipinagmamalaki sa akin ng bunsong si Noah ang kanilang “bagong” inflatable pool; sabi ko: “Ayos na pool yan a, di naluluma!” Nitong mga nakaraan naman, laging ipinagmamalaki nila sa akin ang mga “bagong” kantang natutunan nila; ang larawang iyan mula sa itaas ay kuha noong ang pamangkin ko ay bumibirit ng “Dadalhin” ni Regine Velasquez.

Sabihin pa, ang mga pakikipag-usap na iyon, bagamat hindi na madalas, ay laging dumarating sa tamang panahon. Naging mahirap ang mga kalagayan ko rito nitong mga nakaraang linggo dahil nagkasabay-sabay ang pagod mula sa mga paglalakbay at ang lungkot mula sa mga negatibong mga pangyayari at balita. Sa paanuman, kapag nasa gayong mahirap na mga kalagayan, laging dumarating ang tulong. Sa pagkakataong ito, sa anyo ng mga madramang awitin ng bulol kong pamangkin. ●

Mga Komento

  1. Hello po Tito Rene! Daphne po ito. Natatawa lang po ako kapag naaalala ang pagbirit ni Noah. Si-nearch ko lang po ang pangalan ni ate Kyla at nahanap ang web niyo po. Ang ganda po ng inyong mga paliwanag sa bawat kuwento dito at lalo nasa tungkol Sa Kawayan at Niyog

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post