tungkol sa pagbuo ng cabinet

Hindi ko alam kung sapat nang kuwalipikasyon na anak ako ng isang manggagawa ng cabinet. Pero ang totoo, hindi naman iyon mahalaga. Madali lang namang sundan ang instruksiyon ng Ikea. At wala namang choice si Grace; ako lang naman ang pinakamalapit na kaibigang lalake, na pwede niyang hingan ng tulong. Kaya hayun, magkasama naming binuo ang kaniyang bagong puting cabinet.

Sabihin pa, ang buong proseso ay punung-puno ng katatawanang dulot ng maling mga diskarte. Hindi nakalampas sa aking pansin ang pagiging-OC ni Grace; nakakapressure tuloy magpako, kailangan ko pang tiyaking magkakapareho ang distansiya nila sa isa't-isa. Tawang-tawa naman si Grace dahil kasyang-kasya ako sa loob ng animo'y isang nakatayong kabaong.

May siwang ang pinto; ulit. Hindi pantay; ulit.

Bandang huli, inilagay na niya ang huling tablang estante sa kaliwang bahagi. Sa loob ng isang maikling saglit, kapwa kami napatitig nang may paghanga sa resulta ng aming pagsisikap, ang aming obra. Maya-maya pa, ang sabik na si Grace ay naglalagay na ng mga hanger at damit sa cabinet. Sa wakas, nakapahinga at nakaligo na rin ang katawan kong pagod sa biyahe at sa pagpupukpok.

Kung pagod lang din ang habol ko, hindi siguro ito ang unang maiisip kong paraan. Aba, galing na kaya ako sa Bingen bago dumiretso sa Berlin. Hindi rin ako sabik bumuo ng mga gawang-kahoy; ang tatay ko mismo ang magpapatunay niyan.

Ang totoo, dumayo ako para makipagkumustahan sa taong itinuturing ko nang kapatid, o baka kakambal pa nga. May kasiyahan dala ang unti-unting pagkakabuo ng cabinet, oo, pero ang mas tumatak sa isip ko ay ang mga usapan sa restaurant pagkatapos. Bahagyang nag-iba ang mga tema (aba, tungkol sa pag-aasawa na ang mga paksa ng huntahan!) pero naroroon pa rin ang pamilyar na mga ugnayang nabuo matagal na panahon na ang nakakaraan sa mga pasilyo ng kolehiyo. Marami nang nagbago (aba, nasa labas kami ngayon isang mataong restaurant sa gitna ng Berlin!) pero parang walang nagbago. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post