Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa sandaling pagsikat ng araw ngayong hapon

Pagkatapos ng mga linggo ng tuluy-tuloy na ulan at niyebe, sumikat na ngayon ang araw.
 

Nagising ako nang magkulay-ginto ang mga bintana at pader. Sino ba naman ang mag-aakala na sa alas-tres ng hapon ay dudungaw ang araw sa gitna ng maulap na kalangitan.

Dala ang kamera, dali-dali akong lumabas at naglakad. Kailangan kong makunan ang tagpong ito.


Dahil hindi rin ito magtatagal. Pagdating ng alas-kuwatro, alas-singko, nagsimula nang dumilim, at kahit pa buo ang buwan sa gabing ito, kulang ang kinang nito para pantayan ang liwanag ng maiksing hapon.


Tandang-tanda ko pa ang sinabi ng guro ko sa Ingles noong huling taon ng haiskul. Catch the fleeting moment. Ang mga sandaling mabilis na lumipas ang siya umanong magbibigay-daan sa paglikha at panulat. Hindi ko man naintindihan ang sinabi niya noon, ngayon ay parang unti-unti ko na itong nauunawaan. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.