tungkol sa malakas na hangin ngayong gabing nag-iisa

Maliwanag na ang mga tala nang ipasiya kong lumabas sa lungga.



Ngayong bakasyon, ang mga tao sa aming gusali ay nagsiuwian sa kani-kanilang mga kamag-anak. Nababalot ng katahimikan ang paligid, anupat naririnig kong waring umaalingawngaw ang mahihina kong yabag sa mga pasilyo. Ang kumukurap na mga ilaw at ang tunog ng dahan-dahang nagsasarang pinto ay nagpapaalala ng mga tagpo sa mga pelikulang katatakutan.

Nakakainip ang anim na minutong paghihintay ng kasunod na tram. Lalo pa't unti-unti nang nauubos ang mga taong kasabay ko kaninang naghihintay, nakasakay na sa mga tram na papunta sa ibang direksiyon. Nakadaan na ang tram 4. Tram 2. Tram 1. Mabuti na lang at naiwan si kuya na may aso, may nakasabay ako sa pagsakay sa tram 10. Maaga lang siyang bumaba; ako na lang ang naiwang pasahero bago ako bumaba sa Hauptbahnhof. Kung jeep pa ito sa Pilipinas, gumarahe na siguro ito, baka pinalipat pa ako sa kasunod.

Eksaktong apat na tao lang ang nasa sinehan. Maingay ang dalawang Indian, at sobrang tahimik naman ng isa pa na Polako. Mga tango at ngiti ang ipinakipagpalitan namin sa isa't-isa bago tuluyang lumabas.

Eto na. Ang malakas na ihip ng hangin. Para tuloy nagyeyelo ang pakiramdam gayong dapat sana'y limang sentigrado ang temperatura.




Nagmasid ako habang tinatangay nito ang mga papel na baso ng kape na nahulog mula sa isang umaapaw na basurahan. Sa isang mabilis na pasada, naitaboy na nito ang lahat ng kalat, animo'y isang di-nakikitang tagapagwalis.

Sa pagpasok ng hangin sa mga siwang ng aking bonet, lumilikha ito ng isang kakaibang tunog, isang mahinang hugong na tulad ng isang di-mawatasang bulong. Kung hindi pa sumakit ang tainga ko sa ginaw, hindi ko pa siguro iaayos ang takip ko sa ulo, anupat patuloy na makikinig sa mahinang huning iyon.

Ginulo na nito ang aking scarf, pinakaway ang mga puno, halos itulak ako patagilid. Parang batang nakikipaglaro.




Tunay nga, may mga bagay na hindi nakikita ngunit hindi maikakaila.

Hindi ko na kailangang magpalutang-lutang sa dagat, gaya ng bida sa pelikula. Ang buong mundo ay isang malaking museo, na kung saan ang lahat ng mga likha ay pirmado ng Maylalang. Hindi na mahalaga kung hindi Siya nakikita. Gaya ng di-nakikitang hangin, nariyan Siya: nagtatrabaho, nakikipag-usap, nakikipaglaro.

Umaalinsabay Siya sa mabagal na paglalakad ng isang lalakeng nag-iisa ngayong gabi. ●

(Ito ay isinulat matapos mapanood ang pelikulang The Life of Pi.)

Mga Komento

Kilalang Mga Post