tungkol sa high school batch namin at ang mga bagay na napagtanto

madalang na akong makapagbukas ng yahoo mail dahil ang lahat ng mahahalagang mensahe ay tinatanggap ko na ngayon mula sa gmail. madalang na tuloy akong ma-update sa mga pangyayari sa mga yahoo groups ko, lalong-lalo na ang yahoo group namin ng aming high school class. nagulantang na lamang ako sa tumambad na 125 messages sa folder kong "High School" nang minsang maalala kong bumisita.

si john rey bautista ang kaklaseng naging pinakamalapit sa akin sa literal na paraan; halos sa buong apat na taon ng mataas na paaralan ay magkasunod na tinatawag ang "batac" at "bautista" kaya sa tuwing pauupuin kami sa alpabetikong pagkakahanay ay sadyang magkakatabi kami ni janrei (sumunod lang siguro siya kay leo sa dami ng pagkakataon na naging katabi ko sa buong buhay high school). si janrei ang robert akizuki, a.k.a. masked rider black ng klase. ang janrei na ito ang siya ko pang naging kapares sa paggwa ng "investigative project" para sa chemistry class sa ilalim ni gng. amurao, kung saan sinuri namin (umano) ang bisa ng usap-usapan ngayong jathropa upang maging tulad-diesel na panggatong (hindi talaga kami nag-experiment, hehehe). si janrei ang nagpamalas ng kagulat-gulat na pagbabago sa laki ng katawan mula nang magtapos sa haiskul; sa loob yata ng kulang-kulang isang taon pagkatapos magtapos ay nagulantang na lang ang lahat nang makitang lumaki siya nang triple sa kanyang dating hubog.

si janrei ay nasa amerika na ngayon. ayon sa kanya, he's been working his ass off para kumita. nagpapadala siya ng pera sa pamilya, at siyempre ay nakakamiss para sa kanya ang pilipinas. pero ang anumang paghihirap na nararanasan ay nasusuklian ng pagkaalam na nakatutulong siya sa pamilya sa pilipinas.

dito nagsimula ang isang mahabang serye ng mga pagsagot sa email.

sa seryosong bahagi, napag-usapan ang sentimiyento ng mga manunulat sa pamamagitan ni joshene na nasa anvil: marami umanong tao ang nagsasabing walang choice kundi iwan ang pilipinas pero sa bandang huli ay nagsusulat na nakakamiss ang 'pinas. sa ibang salita, mga ipokrito. nagkaroon ng sagutan yamang dinibdib ni janrei at ng iba pa, lalo na si eduardo, ang paratang at inakalang kumakapit ito sa kanila. sa pagpapaliwanang ni ivan ay naging maliwanang na hindi kasama dito si janrei yamang siya ay nagpasiya na gawin ito bagamat mahirap; hindi siya ipokrito tulad ng iba.

sa madamdaming bahagi, humanga sina chenn, chell, leo at iba pa sa naging pasiya ni janrei, lalo pa't para ito sa pamilya. ikinuwento pa ni chenn na nang umalis ang kakambal niyang si chelli para mag-aral nang isang taon sa japan, isang buwan siyang umiiyak. sadyang mahirap ang pinagdaraanan ni janrei, at maging ako ay humahanga sa kanya.

sa katatawanan, bida siyempre si josey. dahil hot seat daw si janrei ay "magpaburger" daw ito, bagay na hindi niya nagets at kinailangan pang ipaliwanag. naungkat din ang "past" ni janrei at ni mitzie.

rewind ng mga isang dekada: ang grupong ito ay mga walang muwang na paslit, na sumisinga sa trapo o sa intermediate paper, nambabato ng chalk para guluhin ang isang exciting at papatapos nang chess game, nagdodrowing ng caricature ng kaklase at guro sa gitna ng isang klase sa ingles (at nahuhuli), nagdaragdag sa diksiyunaryo ng mga salitang "bikot" at "resayp" , sumasagap ng mga balita ng mga banta sa buhay ng dating pangulong erap na "isinulat sa isang papel, ibinalot sa bato, at ibinato sa bintana ng malakanyang," nagdaraos ng "live show" tuwing hapon, nagkakaisyu at nag-oopen forum para takasan ang mga klase.

sadyang napakalaki ng binago ng higit sa sampung taon na nagdaan mula nang una kaming mapadpad sa aming paaralang sekondarya. ang simpleng buhay noon na ang tanging komplikasyon ay ang lihim na mga pagtingin at mga maliliit na tampuhan ay nasasadlak na ngayon sa realidad ng buhay, nasasaktan, nagtitiis at nagdurusa. ang malalalim na mga komento ukol sa kalagayan ni janrei na bumuhos at bumaha sa aking inbox ay patotoo na natupad sa mga kaklase ko ang kasabihang "the baby is now a lady", at naglarawan sa malaking transition from boys to men.

pinili kong hindi makisangkot sa mga usapan sa email na iyon dahil iniisip kong hindi nila ako maiintindihan. napaka-idealistic ko sa pag-iisip na bilang siyentipiko at guro, hindi ko lamang hinaharap ang kasalukuyan kundi inihahanda ko rin naman ang hinaharap, isang hinaharap na kinatatampukan ng isang malaya at maunlad na pilipinas na bunga ng pagsasaliksik sa agham at teknolohikal na pagsulong. gaya ng isang tipikal na siyentipikong nasa kanyang ivory tower ay nakikita ko ang sarili na hiwalay mula sa kanilang mga pang-araw-araw alalahanin, mga alalahaning itinuring kong "pangkaraniwan"; pinaghahandaan ko, sa aking pananaw, ang isang mas malaking suliranin ng lipunan, na kung malulunasan ay magbibigay-lunas din naman sa kanilang mga problema.

ang maling ideya na pumasok noon sa isip ko ay na kung ihahambing sa akin, hindi naman gayon kahalaga ang kanilang mga propesyon. taglay ko noon ang pag-iisip na taglay din ng karamihan sa ngayon, na nagbibigay ng mababang pagtingin sa mga trabahong itinuturing na madali at hindi kailangang pag-isipan, o mas malala pa nga, sadyang hindi kailangan.

nakasabay ko si jameel kahapon sa jeep at ikinuwento niya sa akin kung ano ang kanyang trabaho. siya ang maintenance engineer ng tatlong pinakabagong condominium sa eastwood. sinasagot niya araw-araw ang problema ng mga artista at pulitikong naninirahan doon: mga mahinang aircon, tagas sa kusina at banyo, kawalan ng kuryente at tubig, at iba pa. si jameel ay nag-aral ng strength of materials, thermodynamics at inorganic chemistry, at maaaring kaunti, kung hindi man wala, ang naitutulong nito sa kanyang trabaho; pero sa bandang huli, aniya, ang mahalaga naman ay ang lunasan mo ang mga problema ng kostumer, at lunasan ito ng madali. dito siya tumatanggap ng sweldong hindi niya sa akin binaggit.

dito dumating ang realisasyon: lahat naman ng propesyon ay ginawa uang sapatan ang isang pangangailangan. sa diwa, lahat ng tao ay mga "maintenance engineer" ng iba't ibang "gusali", at ang mahalaga'y matugunan ang mga pangangailangan ng sinuman sa pinakamabilis na paraan. saan man nagtatrabaho, ano man ang gawin, maligaya ang isang tao na ginagampanan ang kanyang tungkulin sa pinakamagaling na paraan na kanyang magagawa.

dito rin pumasok ang realidad. na gaano man katayog ang adhikain ng agham, hindi ito ang higit na kailangan sa kasalukuyan. kailangang mabuhay ng mga tao. kailangang may magpalit ng sirang tubo ng condo ni jestoni alarcon sa eastwood. kailangang may sumagot sa tawag ng iritableng 'kano o hapones. kailangang may magdirehe sa isang adaptasyon ng dula ni nick joaquin. kailangang may magpunas ng mesa at mag-abot ng hinihingi mong toyo sa chowking.

siyempre, kailangan din na magsaliksik sa mga lihim ng kalikasan at magpaliwanang ng mundo. pero isa lamang ito sa mga kailangan. hindi ito dapat magmalaki at ituring ang sarili na higit na kailangan.

Mga Komento

  1. Ngayon lang ata uli ako nagtyaga magbasa ng ganyang kahabang pagmumuni-muni sa lengwaheng Tagalog. Tinatablan kasi ako ng ADHD kapag hindi Ingles ang binabasa ko.

    ...

    I miss our high school section. And I can't help but smirk every time I remember that issue in the e-groups.

    Miss you Rene! ^_^

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post