tungkol sa authorship

pagdating sa publications sa mga scientific journals, mahalaga ang pagkakasunud-sunod ng mga pangalan ng mga may-akda. ang unang pangalan sa listahan ang nagbigay ng pinakamalaki at/o pinakamahalagang ambag sa pangkalahatang tema ng papel. maaring siya ang gumawa ng pinakamalaking eksperimento; o gumawa ng matematikal na modelo ng sistema; siya marahil ang nagbigay ng pakahulugan sa mga resulta; o siya kaya ang nagsulat ng akda, ginawa itong higit na kapanapanabik. ang pagiging unang may-akda ay nagbibigay sa kanya ng higit na karapatan para sa pag-angkin sa mga resulta; kapag marami siyang kasama, kadalasan nang pangalan lamang niya ang binabanggit ng sinumang sumisipi sa kanilang akda. ang huling pangalan ay kadalasan nang inirereserba para sa pinuno o adviser ng grupo ng mananaliksik, gaano man kalaki (o kaliit) ang aktuwal na naidagdag niya rito. iniiwan nito ang ikalawa, ikatlo, at iba pang mga pangalan sa isang pagkakasunud-sunod na nagpapahiwatig ng lumiliit na kahalagan. ang pangalang sinusundan ng adviser kung gayon ang siyang may pinakamaliit na kontribusyon.

dahil sa malaking isyu na sangkot sa pagsasaayos ng pagka-may-akda, ang pangunahing mga journals sa agham ay humihikayat na ibigay ng mga awtor ang aktuwal na bahaging ginampanan nila sa pananaliksik na iyon. binibigyan ng halaga ng gayong mga journal ang mga sumusunod na kategorya: (1) pagbuo sa ideya; (2) eksperimento, o paggawa ng modelo; (3) pagsulat ng papel; at (4) pangkalahatang pamamanihala sa gawain. sa mga journal na pinagpasahan namin ng papel, humiling ng gayon ang Nature Physics, PNAS, at mga APS journals.





at ngayong bumalik na ang review sa aming papel na ipinasa sa geophysical research letters, lalo pa ngang napag-usapan muli ang paksang authorship, dahil sa magkakaibang kalagayan ng bawat isang mga awtor.

si tons, ang siyang binigyan ng pantanging atas para sa paksang ito ng pananliksik ay gumugol ng dalawang taon para sa mabusising mga eksperimento. bagamat kasama ako sa mga sesyong ito na kadalasang umaabot ng mga limag oras bawat run (na may minimum na 20 run) ay siya pa rin ang mas nakaaalam ng mga bagay-bagay tungkol sa eksperimento, bilang isang magaling na experimentalist; sa maikli, tsimoy lang ako, o para mas maganda namang pakinggan, assistant. nang gawin ko naman ang programa sa kompyuter para sa aming trabaho ay siya rin ang humanap ng tamang mga parameter para maging magkatugma ang mga resulta ng simulation at aktuwal na eksperimento. pero nang dumating ang review, siya ay nasa leyte para alagaan ang kanyang lola.

ako, gaya ng nabanggit ko na, ay assitant (a.k.a. tsimoy) ni tons sa eksperimento, at siyang gumawa ng programa sa kompyuter. kung mayroon man akong masasabing malaking kontribusyon ay na ako ang nag-isip ng modification sa modelo upang mapaiba ito sa modelong nailathala na. ako naman ang natapat na narito sa maynila pagbalik ng review kaya ako ang muling nagproseso ng mga datos para sagutin ang mga komento.

si earl ang unang nag-isip ng ideya. nang bandang huli, siya rin ang muling nagsulat ng papel at sumagot sa mga review para maibalik namin sa editor ng journal para muling ilinya para sa posibleng paglalathala.

at si sir chris ang boss, ang may penal na desisyon, ang aktuwal na nagpapasa ng papel.

matapos ang isang linggong matinding pagsasaayos muli ng papel ay naibangon ang isyu ng linya ng pagiging awtor. tinatanong ako ni sir chris kung dapat bang ako ang maging first author. bandang huli ay napagpasiyahan na si earl nga ang dapat na tumanggap ng gayong karangalan, subalit malabo pa rin ang estado namin ni tons. pareho naman kaming nagsabi na si sir chris na ang bahala.






maisusulat sa tatlong pahina ang resulta ng isang pananaliksik, subalit hindi mailalarawan nito ang madugong proseso (kung minsan ay literal) na pinagdaanan ng mga mananaliksik para isagawa ang mga iyon. ang pag-iisip, pagpapalano, pagsasakatuparan, mga bagay na nasumpungang imposibleng isagawa, mga kulang na parameter, mga di-kailangang variables - lahat ng ito'y lampas sa saklaw ng tatlong pilyego na tinatawag na akda. subalit ito ang katas, ito ang halaga, ito ang esensya ng lahat ng ito. ang buong proseso ng pananaliksik na pang-agham ay nakabatay sa ideya na ang katotohanan ay nariyan, naghihintay na masagap, at ang gawain ng mga siyentipiko ay gumawa ng paraan upang sagapin at mailarawan ang katotohanang ito.

kinailangan si earl sa huling mga sandali, animo'y huling hininga na bumuhay sa malapit-nang-matsuging papel. siya ang dapat na maging unang awtor.

pero pagdating sa ikalawang awtor, hindi matutumbasan ng isang linggong nagkataong pagkanaririto ko ang isang buong buhay MS na ginugol ni tons para sa paksang ito. hindi inaalis ng kanyang isang linggong makatuwirang pagkawala ang karapatan niya para kilalanin para sa mas malaking bahagi. kay tons nauukol ang second authorship.

ang pribilehiyo na makasama ang magagaling na mga lalaking ito, ang makagawa ng papel kasama sila, at ang malamang ang papel na ito ay pinag-aralan ng iba pang may katulad o mas mataas pa ngang reputasyon ay sapat nang dahilan upang ikaligaya ko. ang maging third author ng papel ay sapat nang karangalan para sa isang hamak na estudyanteng tulad ko.

si sir chris siyempre ang pinakahuli, di lamang dahil sa pagiging adviser kundi dahil sa edad (hehehe!).






ibabalik na sa grl ang papel sa linggo. malalaman na kung opisyal na ba ako (at si tons) na magiging may-akda ng isang siyentipikong papel.

Mga Komento

Kilalang Mga Post