tungkol sa mga pasukan (na naman) ngayong Friday

nakakangarag ang mag-handle ng isang Mechanics Laboratory class sa loob ng dalawang oras. mas nakakangarag ito kapag kailangan mo itong gawin nang 3 ulit at walang patlang, mula ika-8 n.u. hanggang ika-2 n.h. wala nang mas ngangarag pa rito kapag ang lahat ng klase mo ay nahuhuli na dahil sa mga kawalan ng klase na dulot ng bagyo atbp., kaya mapipilitan kang magpagawa ng 2 experiment sa isang meeting.

nasumpungan ko ang aking sarili na nasa gayung-gayong kalagayan ngayong umaga.

di alintana ang lamig ng tubig na busog sa hihip ng hangin ni Dodong, naligo ako nang ika-4 n.u. sumuot sa maong sa pagkagat ng pan de sal, pumailalim sa kamiseta na higup-higop ang kape. binabasa ang Activity Manual kaya't muntik nang mapagbuhol ang sintas ng kaliwa't kanang paa.

halos sikuhin ko na ang super-bagal-magpatakbong tsuper. pinapangarap kong magkagulong at rocket ang mga sapatos nang kahit paano'y mabawasan ang sampung-minutong lakarin, hindi, takbuhin mula AS tungo sa Llamas. at nang (sa wakas) ay marating ko na ang pinakamimithing finish line - ang aking mesa sa 3234 - kumaway at para bang nagpalakpakan ang kalahating metrong kapal ng Worksheets, mga di pa naiwawasto at naipangako kong ibabalik - sa umagang ito.







sa gitna ng pagmamadali ay nagawa ko pang umupo. nagbukas ng laptop at ng email. umiral siguro ang pagka-scientist ko, tinalunton ang ugat ng problema. sa isang sandali ay wala akong naaninag bagamat dilat ang mata; kinausap ang sarili bagamat tikom ang bibig.

"Utang na loob, Bugoy; 3 months mo na itong ginagawa!" narinig kong sabi ko sa aking sarili. pero hindi, tutol ko; hindi lang 3 buwan! sa buong panahon ng pagtuturo ko ay lagi na akong natatapat sa Biyernes, kaya tiyak na hindi ito dahil sa araw. lagi akong may magkasunod na klase, kaya di ito dahil sa pagod. at nasubukan ko na ring magturo ng 3 sa isang araw (at buhay pa naman ako), kaya tiyak na di ito dahil sa dami.

"E di ano nga?"






nang balikan ko ang nagdaang mga araw, sa palagay ko'y nasumpungan ko na ang sagot.

umalis si Sir Chris kaya nitong nakaraan, sa halip na mag-solve ng 212 at 221 ay natutulog na lang ako sa faculty room. katatapos lang ng submissions namin sa mga ISI at sa SPP kaya natapos na ang puyatan at ang pukpukan. dumaan pa si Chedeng at si Dodong kaya nasuspinde ang klase, kasabay ng pagkasuspinde ng normal na rutin ng buhay ko.

ang pagbabago ng mga kalagayan ay nagdudulot ng kaukulang mga pagbabago sa gawi at kilos ng mga tao. noong Abril ay di ko man lamang magalaw sa aparador ang naka-hanger kong jacket; pero ngayon, mamamatay ako sa ginaw kung hindi ko ito gagamitin. ganun din sa ibang aspekto ng buhay. madalas, isang kaginhawahan, kung hindi man katalinuhan, ang sumabay sa agos.

iba pang examples: kung literal na agos at daluyong ang pag-uusapan, isang magandang halimbawa (na galing din sa Mechanics) ang pagsakay sa isang bus na biglang huminto. magiging cute siguro kung hahayaan mong tangayin ka ng inertia at patunayan ang Una at Ikalawang Batas ni Newton, pero kung mangangahulugan ito ng bukol at pasa, i would rather not do it. at para sa isang mas realistic na halimbawa, magiging ipokrito ako kung sa pag-alis ni Sir Chris ay mag-a-advance reading ako sa Goldstein at magsasagot ng Marion.

totoo rin ito sa wika: nang umuwi si Alnon mula sa isang taon ng paninirahan sa Washington state, Ingglesero na ang mokong. at slang pa! totoo rin ito sa mga kaibigan: otherwise mga elementary friends lang ang sinasamahan natin hanggang ngayon. pero sa kaso ko (at ng lahat siguro sa atin), mas nagiging matimbang pa ang mga huli kong nakikilala at nagiging kaibigan, at maraming elementary friends ko ang halos limot ko na. napakarami, hindi mauubos ang halimbawa kung paanong ang pagbabago sa kapaligiran ay nagdudulot ng malalakihang pagbabago sa isang indibiduwal. hindi ko na kailangang talakayin ang ideya ng speciation.

siguro sa ibang larangan mas positibo ang pananatili sa nakasanayan at nakagawian. marami ang naging mga martir, sa ngalan ng relihiyon at ng bayan, at itinuturing na katanggap-tanggap, kahanga-hanga pa nga, ang kanilang mga ginawa. pero sa mas praktikal na aplikasyon, siguro mas ok na rin na magpadala, magpatangay.

at dahil sabi nga nila na ang tanging permanenteng bagay sa mundo ay pagbabago, dapat tanggapin ko na (at ng sinuman, for that matter) ang katotohanan na ang bawat araw, bawat oras at bawat sandali ay tadtad ng mga pangyayaring nakapagpapabangag (hehe...mag-introduce daw ba ng bagong salita sa wikang Filipino!) at nakapagpapagulo sa nakasanayang pang-araw-araw na rutin.








on a more positive note, hindi naman lahat ng pagbabago na dulot ng mga nagbabagong kalagayan ay nakakabangag at negatibo.

halimbawa, sa EM, kahit pa gaano kalakas ang magnetic field ng isang permanent magnet, hindi ito makapagdudulot ng current kung basta nakalapag lang ito sa gitna ng isang coil. sa kabilang banda, gaano man kahina ang magnetic field ng isa pang magnet ay sapat na ito upang makapagpadaloy nang kuryente kapag mabilis na pinagalaw at binagu-bago ang orientation. sa maikli, sabi ng tanyag na Batas ni Faraday, it is the CHANGE in magnetic field that causes electromotive force.

kaya dahil pasukan (na naman) ngayong Friday, muli na akong magigising sa pagkatulog (literally at figuratively), babaguhin ang mga nakagawian, at muling pasisiglahin ang sarili sa pagtuturo. tulad nga ng lagi kong sinasabi sa klase bago magsimula ang experiment, "Let's get it on!"

(nangangalahati na ako sa pag-che-check nang ipasiya kong magpahinga sandali at i-post ang entry na ito.)

Mga Komento

Kilalang Mga Post