Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

tungkol sa pagkamiss sa Jollibee

Noong bata pa ako, ang bawat selebrasyon ay may kaakibat na pagbisita sa mga fast food para sa burger, fries, spaghetti, o ice cream. Noon, pinakasikat pa rin ang McDonalds, kasi, siyempre, bilang mga Pinoy, mas sikat pa rin sa atin ang produktong mula sa ibang bansa. Malapit sa aming eskuwelahan, meron ding Cindy's (na wala na yata ngayon), na pinupuntahan dahil sa palaruang pambata. May Wendy's na rin, at Kentucky Fried Chicken (oo, ginagamit pa nila noon ang buong pangalan at hindi lang ang acronym).  Pero iba pa rin ang Jollibee.  Hindi ko alam kung ano, pero kapag bata ang tinanong mo, Jollibee ang una niyang isasagot na gusto niyang puntahan. Iyon kaya ang kakaibang paggulong nito sa dila, na mas madali at masarap sabihin kaysa sa tunog-mekanikal na pangalan ng mga kakompitensiya niya? O baka ang mga awitin at TV commercials, na kasama pa si Aga Muhlach at Donna Cruz? Mas cute ba ang mascot na pulang bubuyog kaysa sa payaso? Anuman ang mga ito, bilang mga bata, ...

tungkol sa abot-tanaw

Marami ang nangangarap ng isang bakasyon na kung saan, habang nakaupo sa dalampasigan, nakatanaw sila sa tuwid na abot-tanaw (horizon) kung saan nagtatagpo ang magkaibang bughaw ng langit at ng dagat. Ito ang sukdulang paglalarawan ng pagrerelaks, ng pagpapahinga, ng pagtakas mula sa mga pang-araw-araw na kaabalahan ng buhay.  Kasi, marami ang araw-araw na humaharap sa isang bali-balikong abot-tanaw, kung saan ang matataas na salamin at kongkreto ay tumutusok sa langit.  Pero kung nasaan man tayo: sa isang malaparaisong isla o sa gitna ng kagubatan ng lunsod, lagi nating tandaan kung ano ang pinakamahalaga. Hanggat may lupang tuntungan ang ating mga paa. Hanggat may langit na lumulukob sa ating mga ulo. Hanggat may kakayahan tayong malasin at pahalagahan ang natatanaw natin sa malayo.  Okay tayo.  Doon pa lang, marami na tayong dapat ikatuwa at ipagpasalamat. ■ 

tungkol sa mga bato sa tabing-dagat

Sa pamamasyal namin sa Agno, Pangasinan, naglakad-lakad ako sa tabi ng maalong dagat.  Tumambad sa akin ang isang bahagi ng dalampasigan na punung-puno ng mga bato. Mga pebbles  yata ang tawag dito sa Ingles. Ang mga bato, na mula sa pagkaliliit hanggang sa ilang mga sentimetro ang haba, ay makikinis, makukulay, at may iba't-ibang hugis. Sa sobrang ganda nila, ang mag-ina ko ay namulot at nag-uwi ng isang balde nila.  Lumusong ako ngayon sa maalong dagat.  Sa gitna ng daluyong, may isang rehiyon kung saan mabato ang naaapakan ko. Dito umaalimbukay ang paparating at ang papalayong mga alon. Gamit ang goggles, sinisid ko ang ilalim, at hayun! Doon pala sila makikita. Ang mga bato, mga pebble, di hamak na mas marami kaysa sa mga napadpad sa pampang. Sa bawat pagsalunga, sila ay natatangay at inihahampas ng alon pababa. Sa bawat araw, hindi humihinto ang mga alon sa paghataw sa kanila, anupat kumikiskis sila sa bawat isa. Kaya pala sila makikinis. Kaya...

tungkol sa kawayan at sa niyog

Dumaan na sila sa ilang maraming mga tag-init at mabagyong panahon nang magkasama. Magkababata sila halos; nauna lang siguro nang ilang taon ang Niyog. Pero mas matangkad at payat na si Kawayan noong bagong tanim pa lang siya, di tulad ni Niyog na medyo mabilog nang umpisa at dahan-dahan na lang nagkalaman nang bandang huli.  Si Niyog ay tumayog nang tumayog; sa paglaki niya ay napagtiisan niya ang pagsibak ng kanilang May-ari sa kaniyang mga tagiliran para gumawa ng akyatan. Makailang ulit na rin siyang nagbunga, na madalas din namang pinipitas ng may-ari. Ibang istorya pa ang tuba. Si Kawayan naman, lumago na ang mga bagong sibol, na pumalibot na sa kanya. Ito naman ang hinahawan ng may-ari sa pana-panahon, kasama na ang kaniyang nagsala-salabid na mga sanga.  Isang araw, matapos malasing sa kasaganaan ng liwanag ng araw at hangin, nagkausap sila.  “Hindi rin kita minsan maintindihan, pare,” anang Niyog, habang marahan pang kumakampay ang mga dahon sa m...

tungkol sa kape

Ibinuhos ko na ang laman ng 3-in-1 sa mug. Pero hindi ko pa siya naihalo, abala sa paghahanda. Gayon naman ang madalas na nangyayari tuwing madaling-araw.  Kaya matiyaga itong naghintay, itong kape, tahimik na pinanonood ang bawat kibot at hakbang ko. Kung makapagsasalita lang siya, siguro ay kanina pa siya tumikhim, umimik: "Uhm, boss, parang may nakakalimutan ka yata... medyo malamig na ang tubig ko..." Kung may kamay at paa siya, baka lumukso na siya mula sa mesa at nakitulong sa pagsisilid ng mga kaliit-liitang bagay sa bag ko.  Ang kape ay panggising, nakakabuhay. Pero, gaya ng alam ng kape kong ito, wala itong saysay kung hindi ito iinumin.  Mayamaya, matapos makapagmedyas, naalala ko ang ngayo'y halos maligamgam ko nang kape. Hinalo ko ito nang kaunti (halos natunaw na rin kasi ito nang kusa) at saka tinungga. Mukhang epektibo naman ito, nagising naman ang diwa ko ngayong alas-kuwatro ng umaga, kahit pa hindi na ito nakapapaso.  Sa paglapa...

tungkol sa mga yugto ng panahon

Nararanasan natin ito lagi.  Kung kailan kailangan mo ng panahon -- halimbawa, kung naghahapit ka o may hinahabol -- saka naman tumatakbo nang mabilis ang oras. Kapag nababagot ka naman -- halimbawa, sa paghihintay -- saka naman tila hindi gumagalaw ang orasan.  Ipinapakita lang ng gayong mga karanasan na bagamat hindi naman talaga bumibilis o bumabagal ang takbo ng oras, ang pananaw natin dito ang nagbabago batay sa ating personal na mga nadarama sa panahong iyon.  Ang mga yugto ng panahon ang siya ngayong nagiging batayan natin sa pagiging mabilis o mabagal ng isang bagay. Sa pananaw ng isang langaw na ang buong buhay ay tumatagal lamang ng ilang mga araw, ang buhay ng tao ay waring napakatagal, baka nakababagot pa nga. Pero kung ang pagbabatayan naman ay ang mga bundok o kapatagan na libu-libong taon ang binibilang bago magkaroon ng kapansin-pansing pagbabago, ang mga tao ay mabilis na lumilipas, na animoy isang time-lapse video sa kanilang paningin. ...

tungkol sa nag-iisang Mars

Nagpunta kami kanina sa isang convenience store. Nagrequest kasi ng chocolate ang maliit kong dalaga, kaya hindi ko mahindian. May mga craving din naman kaming mag-asawa.  Ang waring napaka-trivial na tagpong iyon - isang mag-anak na sige sa pagdampot ng mga chichirya at kendi sa mga estante - ay biglang naging makahulugan para sa akin nang magtungo na kami sa kaha para magbayad.  Nandoon iyon, sa mga maliliit na lalagyanan sa tapat ng pila. Halos matabunan na ng ibang mga produkto ang nag-iisang bar ng Mars.  Ibinalik ako nito lampas kalahating dekada ang nakakaraan. Mag-isa sa malamig na Alemanya, ibinubuhos ko ang panahon ko sa paglalakbay sa iba't-ibang destinasyon, malapit man o malayo sa tahanan ko noon sa lunsod ng Dresden. Sa bawat paglalakbay na iyon, hindi na ako nagdadala ng maraming mga bitbitin. Tanging ang sarili ko lamang, at ang ilang mga pangunahing pangangailangan. Dahil sa maliit na bag na dala, pagiging biglaan ng mga lakad, at, mi...