Mga ilang buwan na ang nakakaraan, sa isang biglaang walking tour sa Maynila, ipinasiya naming dumaan sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas. Ang dapat sana ay isang pag-iikot at pagtikim-tikim sa Binondo ay naging isang mahabang paglalakad tungo sa Escolta, patawid ng bagong tulay ng Binondo-Intramuros, pagkatapos ay sa loob ng Muralla, Luneta, hanggang sa gusali ng aklatan.
Sa unang pagbisita namin, inalok kami ng guwardiya kung gusto naming kumuha ng ID. Dahil inaasahan na namin na makakabalik kami, nagrehistro na kami, nagpakuha ng larawan, at hinintay ang pag-print ng ID sa PVC card. Tila yata ito ang unang ID ng anak ko na galing sa gobyerno, at nalungkot pa siya na hindi siya nakapirma (ipinasulat lang sa kanya ang apelyido).
Pagkatapos, tumungo kami sa seksiyong pambata sa ikaapat na palapag. Doon, habang natutulog si Mommy (at humihilik) at naglilibot si Stacie, binasa ko ang isang pinaikling bersiyon ng Odyssey na pambata.
*****
Kahapon, muli kaming biglang nagkayayaan na muling mamasyal sa Maynila. Sa pagkakataong ito, ipinasiya naming maging pangunahing destinasyon ang Pambansang Aklatan. Wala na ang malalayong lakarin at pabagu-bagong plano.
Dahil nawala ang ID ni Stacie, muli kaming nagparehistro para sa kaniya. At sa pagkakataong ito, naalala siya ng kumukuha ng larawan. Pinayagan na siyang gamitin ang sarili niyang pirma.
Umakyat naman kami ngayon sa ikalawang palapag. Narito ang pangunahing reading room ng aklatan.
Bagamat maraming tao, tahimik naman ang silid (maliban na lang sa ilang maikling sandali nang may mga bata at magulang na pumasok at nag-tour. Ang ikalawang palapag ay maraming mga mesa, na ang karamihan pa nga ay may saksakan para sa mga gagamit ng computer o cellphone (nang magsaksak si Steph ng maliit na rechargable fan, sinita siya ng guwardiya). Maraming terminal ng computer para sa paghahanap ng mga reperensya mula sa aklatan.
Sinubukan ng mag-ina ang manghiram ng mga aklat. Hiniram pa nga nila ang kopya ng MS thesis ko (pero wala sa rekord nila ang kopya ng PhD dissertation ko). Hindi naman sila nakapagbasa dahil maya-maya, may nakita silang mga nagsasaliksik ng lumang mga peryodiko at inanyayahan sila ng mga ito na tumingin-tingin sa mga materyal na hawak nila.
Ako naman, habang nakasaksak ang laptop, ay abalang-abala sa pag-run ng model ko para mahanap ang set ng parameters na tutugma sa data. Nakakaengganyo na makitang lahat ng mga tao sa loob ng silid ay abala rin sa pagbabasa at pananaliksik; nakakatulong ito para makapagpokus ako sa trabaho.
*****
Iyon naman talaga ang layunin ng mga aklatan.
Nakakatuwang makita na marami ring mga gumagamit sa aklatan (at karamihan sa mga ito ay mga estudyante). Nakakatuwa ring makita ang anak ko na masubukan at ma-enjoy ang ganitong mga pasilidad. Marami man siyang mga libro sa bahay (umaapaw na nga halos), iba pa rin ang saya niya sa paggalugad sa isang aktuwal na library.
Ang Pambansang Aklatan ay malapit sa mga parke at museo sa kabiserang lunsod, at angkop naman na magsama-sama ang mga yamang pangkultura na ito. Pero kumusta naman kaya sa ibang lunsod at bayan? Siguro ay kakaunti lang ang may mga aklatan, at, kung mayroon man nito sa isang lugar, posibleng hindi rin kasing-lawak ang koleksiyon nito, at baka kakaunti lang din ang mga tumatangkilik nito.
Kung sabagay, lahat naman na halos ng impormasyon ay literal at at the tip of our fingers dahil sa Internet at sa makabagong teknolohiya na nagpapaging-posibleng ma-access ito sa mga handheld gadget. Pero, gaya ng kitang-kita ngayon, ang malawak na virtual na aklatang ito ay punung-puno ng hindi beripikadong impormasyon at tahasang kasinungalingan, kasama na ang walang-saysay na pansariling content (na siyang kinagigiliwan ng mga tao). Di gaya ng mga tunay na aklatan, ang internet ay walang mga librarian at custodian, at ngayo'y mas kumikilos na para mang-aliw sa halip na magturo.
At dahil naging posible na rin ang mabilis na pagtatawid ng video sa Internet, ito na ang bagong kumukuha ng atensiyon ng mga tao. Bakit ka nga naman magbabasa ng nasusulat na impormasyon, kung pwede mo namang busugin ang mata mo ng aktuwal na kuha ng video habang pinakikinggan mo ang paliwanag?
Hindi nga kataka-taka na ang isang bansang pangunahing gumagamit ng internet gaya ng Pilipinas ay huli sa buong mundo may kinalaman sa mga gawaing nangangailangan ng pagbabasa, pag-unawa, at, bandang huli, pagsagot at paglutas sa mga problema. Kamakailan ay may balitang nag-improve umano ng ilang puntos ang grado ng mga Pilipinong estudyante, pero kung ihahambing sa mundo, nasa dulo pa rin tayo.
Ngayon, higit kailanman, kailangang maitimo sa bagong henerasyon ang kahalagahan ng pagbabasa. Oo, ng pagtangkilik sa mga aklatan. Hindi porke't mabilis nang makuha ang impormasyon ay pababayaan na ang malalalim na kakayahan sa pag-unawa na dala ng pagbabasa.
*****
Habang palabas kami, sinabi ng anak ko na sana ay may ganito kagandang aklatan malapit sa lugar namin.
Napag-isip-isip ko tuloy na iayos ang mga libro niya para gawing isang maliit na aklatang pang-komunidad. Parang malabo sa ngayon, pero malay naman natin, hindi ba?

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento