Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa madilim na mga panahon

Makulimlim na naman ang kalangitan. Wala naman na yatang namataang bagyo; quota na yata tayo sa apat ba namang sunud-sunod nitong kamakailan. Kung tutuusin, namamayani na ang hanging amihan kaya dapat sana ay maaliwalas na ang kalangitan. Pero pagdungaw ko sa labas, heto at madilim, ang unang sikat ng araw nang alas-sais ay nagmistulang dapithapon. 

Pagsilip sa cellphone, nakailang busina na pala ang anunsiyo ng gobyerno. Nagkaroon pala ng pagsabog ang bulkang Taal, kaya pinag-iingat ang mga nasa kanugnog na mga barangay at nayon. Maaga palang nangyari iyon (kaya pagkarami-rami nang abisong natanggap ang dalawang SIM ng telepono ko). Tiyak na nakadagdag iyon sa makulimlim na umaga. 

Hindi ko alam kung sa maulap ba na panahon o epekto ng pagputok ng bulkan, pero nagising ako ng masikip na dibdib at ubo. Bumangon ako para bumahing; hayun at walong ulit na magkakasunod. Bumaba ako ng hagdan para uminom ng tubig; idinamay ko na rin ang isang tableta ng antihistamine (bagamat sa tingin ko ay huli na para magkaroon pa ito ng epekto). Sinubukan ko pang pumikit mula alas-kuwatro, pero bumabalikwas din ako dahil sa lagnat at hirap sa paghinga. Kaya heto, bumangon na ako talaga, para sana magsimula na sa umaga. 

Pero dahil sa sakit ng ulo ay hindi ko rin matapos ang mga gawain ko. Binuksan ko ang computer, pero sumakit lang lalo ang ulo ko sa pagpoproseso ng mga bagay-bagay. Nang magbasa ako, lalo naman akong nahilo. Para bang nakikisawsaw pa, hindi ko maintindihan kung bakit hindi makapag-upload ng mga materyal sa online kong mga klase. 

Bumalik ako sa labas para muling tanawin ang paligid. Gaya ng madilim na kalangitan, dumadaan ako sa isang madilim na panahon. Ng pag-aalala, pagkukumahog, pagkakasakit, at pagkabalisa. Nang sabay-sabay. Na para bang walang pagtakas. 

Samantala, lumabas mula sa katabing bahay ang bayaw ko, nagmamasid din sa makulimlim na panahon. Kamakailan lang ay nagpakabit sila ng solar panels at mga baterya, kaya kapag umaga ay nakatitipid sila ng kuryente. Natanong ko siya tungkol dito: Paano kapag ganitong makulimlim? Ang sabi niya, hindi lang natin nahahalata, pero may sapat na liwanag pa rin naman ng araw na nasasagap ang mga solar panels sa bubungan. Nasubukan na rin nila ito noon, at sapat naman para sa pangangailangan nila. May kaunti pa ngang sobra na naiimbak sa mga baterya. 

Napag-isip ako ng mga sinabi niyang iyon. Totoo naman; makapal man ang mga ulap, o kahit mabagyo pa nga, nakatatagos pa rin ang liwanag ng araw sa mga ito; makikita pa rin ang kaibahan ng umaga sa pusikit na kadiliman ng gabi. Parang narinig ko na rin ito mula sa isang leksiyon namin sa unibersidad: ang liwanag ay tatagos at tatagos kahit pa sa maliliit na bitak. Kung minsan pa nga, kapag mas tinatakpan mo ang liwanag, mas halata ang patuloy niyang pagsinag sa mga naiwang siwang (gaya na lang sa madalas na tagpo sa opisina, sa larawan sa ibaba).



Kaya naman sa madilim na mga panahon, kung saan nasisimot na ang pag-asa at nauubos na ang lakas, magandang huminto muna sandali at suriin kung saan tatagos ang liwanag. 

Pagbalik ko sa loob ng bahay, nakapagluto na pala ang asawa ko ng masarap na almusal. Agad akong niyakap ng anak ko, hinahanap na pala ako. Kumain ako at uminom ng gamot, naligo, at saglit na umidlip. Narepresko ang katawan at isipan, handa na ako para sa araw na ito. Maliwanag na ang mga daang tatahakin. ■ 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...